BINALAAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng mga driver at operator ng Public Utility Vehicle (PUV) laban sa pagpapataw ng “double fare” sa mga pasahero batay sa pisikal na hitsura, laki, o timbang.
Ito ay bilang pagtugon ng (LTFRB) sa pangunguna ni Chairperson Atty. Teofilo E. Guadiz III sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang inklusibo at marangal na serbisyo publiko para sa lahat ng Pilipino.
Kamakailan ay nakatanggap ang LTFRB ng ilang reklamo na nagsasabing ang mga overweight o plus-size na mga pasahero ay sinisingil ng pamasahe na lampas sa standard rate, isang kaugaliang kinondena ng ahensya bilang parehong diskriminasyon at labag sa batas.
“Anoman ang laki ng isang pasahero, ang pamasahe ay sumasakop sa isang tao. Ang kaugaliang ito ng labis na paniningil ay hindi lamang labag sa batas—ito ay diskriminasyon at sa panimula ay hindi makatarungan,” giit ni LTFRB Chairperson Guadiz.
Kaugnay nito, hinimok ni Guadiz ang mga pasahero na nakaranas o nakasaksi ng anomang anyo ng labis na paniningil o diskriminasyon na agad mag-ulat ng mga insidente sa pamamagitan ng LTFRB hotline 1342.
(PAOLO SANTOS)
