ISINAILALIM sa lockdown ang Quezon City Hall of Justice makaraang may mamatay umanong isang empleyado na hinihinalang dahil sa COVID-19, noong Lunes.
Sinabi ni Quezon City Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert, ayon kay Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez, inapruban nito ang lockdown para mabigyang daan ang contact tracing at disinfection na isasagawa sa nasabing gusali.
Nauna rito, napaulat may isang empleyado ng Quezon City Hall of Justice ang namatay sa dahil sa COVID-19.
Hindi naman umano tinukoy kung sa Regional Trial court o sa Metropolitan Trial Court nagtatratabaho ang nasabing empleyado.
Kaugnay nito, pansamantala munang walang pinapayagang makapasok sa nasabing gusali.
Ipinag-utos ng Office of the Executive Judge na lahat ng initiatory pleadings, kasama ng criminal complaints at applications for bail, ay sa pamamagitan ng electronic filing at tatanggapin ng Office of the Clerk of Court sa pamamagitan ng official email addresses.
Samantala, ang pleadings na may kaugnayan sa ongoing cases ay ipa-file nang direkta sa branch of court na kung saan ang mga ito nakabinbin.
Kamakailan, inanunsyo ng Supreme Court na ang mga korte na nasa ilalim ng general community quarantine ay pinayagang mag-physically reopen simula noong Mayo 18 ngunit “by skeletal staff, by rotation, to be determined by the presiding judge”.
Ngunit hindi ito maaaring ipatupad sa Quezon City na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ). (JOEL O. AMONGO)
