QUARANTINE VIOLATIONS NG UST SISILIPIN DIN NG CHED

SISILIPIN na rin ng Commission on Higher Education ang posibleng paglabag ng pamunuan ng UST sa community quarantine regulations ng IATF.

May kinalaman ito sa praktis ng koponan ng UST Growling Tigers sa Sorsogon na siyang hometown ni coach Aldin Ayo.

Ayon kay CHED chairman Prospero de Vera, mga estudyante ang concern sa isyu kaya kasama na sila sa mga sisilip sa posibleng breach of health protocols na nagawa ng UST basketball team.

“Ito iyong sinimulang imbestigasyon. Ngayon, kahapon, isinama na ang CHED doon sa usapan dahil iyong unang imbestigasyon ay iyong violation ng protocols sa sports activities. Pero kailangang tandaan natin itong mga athletes na ito ay estudyante rin kaya sumama na ang CHED doon sa imbestigasyon dahil iyong unang imbestigasyon ay iyong athlete part, ngayon iyong student part iyan ay under ng Komisyon,” ayon sa Kalihim.

Aniya, sa kanilang panig ay kanilang aalamin kung kaninong desisyon, sino ang nagbigay ng otorisasyon o ginawa ba ang pagpapraktis nang walang pahintulot.

Kailangan aniyang tandaan na nag-isyu na sila nuon pang Marso ng advisory na hindi dapat lumabas ang mga estudyanteng nasa age group na 20 pababa at kasama rin sa advisory na dapat siguruhin ng mga pamantasan na ligtas ang kanilang mga estudyante at kung maaari ay nasa bahay lamang sila.

“Kaya inutusan na natin ang mga pamantasan na pabalikin na, halimbawa, as early as March iyong mga nag-o-OJT, iyong mga nag-i-internship, bawiin na. Iyong mga internship abroad, pauwiin na. Lahat ito ay para sa safety ng mga bata. At sinasabihan natin ang mga pamantasan na huwag ipadadala ang mga bata sa mga lugar na hindi ligtas,” dagdag na pahayag ni De Vera.
Kaugnay nito, hihintayin na muna nila ang report ng UST tungkol sa insidente. (CHRISTIAN DALE)

155

Related posts

Leave a Comment