UMAALMA ngayon ang mga health worker sa lalawigan ng Quezon makaraang ma-delay ang kanilang sweldo pati na ang mga medical equipment na kanilang ginagamit upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 virus sa probinsya.
Ito’y sa kabila umano ng sapat na pondong nailaan para sa pasweldo sa mga empleyado ng kapitolyo simula 2020.
Sa panayam kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor leader ng Sangguniang Panlalawigan sa nasabing probinsya, naglaan si Quezon Governor Danny Suarez ng mahigit 75.5 milyong pisong pondo para sa pasweldo at mga benepisyo ng mga empleyado ng lalawigan. Ito ay mas mababa nang kaunti sa ginastos na 102 milyong piso noong 2019.
Ang pondo para sa pasweldo at mga pangangailangan ng probinsya ng Quezon ay naririyan at patuloy na naibibigay sa mamamayan sa kabila ng hindi pagpasa ng budget para sa 2021. May kabuuang 655 milyong pisong pondo ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Suarez.
Ayon kay Ubana, hindi pumayag ang Sanggunian na ipasa ang 2021 budget makaraang matuklasan nila na mayroong mahigit 200 to 300 milyong pisong kwestyunableng budget items duon sa panukalang badyet ng gobernador na wala sa Annual Investment plan na ipinasa ng lalawigan.
Kailangang tugma ang Annual Investment Plan o AIP na dumaan sa masusing pag-aaral ng provincial board at maging ng tanggapan ng gobernador at ang panukalang badyet. Sinabi ni Ubana na sa budget na nais ipasa ni Suarez, tinagpasan nito ng mahigit 20% ang pondo para sa mga pampublikong ospital na kanyang inilipat sa roadworks, pagpapagawa ng mga basketball court at iba pang pagawaing pang imprastraktura.
Para sa mga miyembro ng provincial board, ang ginawa ni Suarez ay paglabag at di sang-ayon sa mismong pampublikong pahayag nito na tutugunan ng panlalawigang pamahalaan ang pagsugpo ng COVID-19. Sinunod din ng provincial board ang direktiba ng Department of Interior and Local Governments (DILG) na kailangang detalyado ang paglalaaanan ng pondo ng lalawigan at malinaw itong napag-aralan at nabusisi.
Palaisipan ngayon kung bakit hindi nakatatanggap ng karampatang sweldo at suportang pinansyal ang mga health worker at frontliners sa kampanya laban sa COVID-19. Ginawaran na ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) ang lalawigan at nasa pangangasiwa ito ng tesorero sa ilalim ng tanggapan ni Suarez. (FERNAN ANGELES)
176
