CLICKBAIT ni JO BARLIZO
GRABE ang baha dulot ng walang humpay na pag-ulan. Taon-taon, paulit-ulit ang kuwento tuwing may bagyo.
Lubog sa baha ang ilang komunidad, nasisira ang tahanan, mga gamit, ari-arian, kabuhayan, at ang masaklap – ang buhay.
Kalbaryo ang dulot ng mga pagbaha.
Halos P350 bilyon pala ang alokasyon sa flood control ngayong taon.
Ngunit ramdam n’yo ba ang laang-gugulin sa flood control?
Ang siguradong ramdam ay ang pagbuhos ng ulan na magpapabaha sa mga lokalidad.
Gumugugol tayo ng sandamakmak na salapi galing sa buwis ng taumbayan, ngunit ano ang ating napapala?
Baha ang kalaban, ngunit maasahan ba ang mga nanunungkulang opisyal para maisalba ang ating kabuhayan at buhay?
Sabagay, may laban naman tayo – gamit ang gasgas nang rason na katatagan.
Ayan na naman ang resilience.
Kailangan pa ring tumawa kahit kating-kati na sa alipunga.
Dinadala na lang sa tawa ang pagtitiis dahil tila tanggap na ang kapabayaan ng mga nakaluklok sa puwesto.
May magagawa ang sambayanan para mabawasan kundi man maiwasan ang pinsala ng baha.
Oo, may magagawa ang disiplina ng mga tao, ngunit, sandakot lang ito sa bultong hakbang na solusyon sa paglimita sa pinsala at perwisyo ng bagyo at baha.
Korupsyon ang matinding pinsala. Mas malala sa baha, ang korupsyon ang malupit na kalaban.
Kaya gaano man katatag ang mga Pilipino sa harap ng mga kalamidad, ay dapat na kalampagin nila ang mga namumuno na gawin ang kanilang responsibilidad at pananagutan.
Dito makikita ang kakayahan ng isang lider na ibinoto.
Kasi naman, kung ibinoboto ang may mga kakayahan at pananagutan, sana’y hindi na gasinong umaasa sa resilience ang mga Pinoy. Hindi na sana umaasa sa “bahala na kami,” dahil ‘yung mga
nahalal ay tunay na serbisyo ang dala sa puwesto.
Ano nga ba ang komprehensibong pagtugon sa baha ng mga namumuno?
Baka sa salita at papel lang maganda pero walang aksyong gumagana.
Pero ang sigurado, kasama pa rin sa paulit-ulit na kuwento ang relief – ilang kilong bigas, sardinas, kape, noodles, at pag ‘sinuwerte, me gatas pa.
Sabagay, bagyo at baha lang naman ang problema ngayon. Paghupa ng tubig, kasama na ring inanod ang mga chechebureche dahil sa susunod na eleksyon, limot na natin ang kapabayaan ng opisyal at ‘yun pa rin ang iboboto.
Malulunod tayo, hindi sa baha, kundi sa desperasyon dahil ang ibinoboto natin ay hindi marunong sumagip sa mga constituent.
o0o
Sa panahong ito na marami sa atin ang nakalubog sa baha, kapuri-puri ang mga tao at grupong buwis-buhay sa pagsagip at pag-alalay sa mga kababayan.
Nariyan ang ating mga pulis, sundalo, bumbero, tauhan ng MMDA na kalaykay rito, kalaykay roon ang ginagawa para maalis ang mga basurang bumara, at iba pang mga tauhan ng gobyerno at pribadong sektor na patuloy sa pagtatrabaho.
Isa pa sa mga matatawag kong ‘hero’ sa panahong ito ang mga delivery rider. Hindi mo na kailangang mabasa o lumusong sa baha dahil sila na mismo ang mag-aabot sa iyo ng pagkain o anomang bagay na inorder mo.
Kaya deserve na deserve nila ang tip na ibibigay mo. Bukod sa pasasalamat, huwag sanang kalimutan ang pakonswelo para sila man ay may maihain sa pamilya na dahilan kaya patuloy nilang sinusuong ang masungit na panahon.
