NANGUNA ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region-1 sa malinis na trabaho sa buong ahensiya base sa datos na inilabas nitong nakaraang buwan.
Sa ginanap na Unified Directors Meeting noong Biyernes, ika-10 ng Setyembre, binigyan parangal ni DPWH Secretary Mark Villar ang tanggapan ni DPWH Region 1, director Ronnel M. Tan (RD Tan), bilang ‘Top Performing Implementing Unit”.
Pinuri rin ng kalihim ang tanggapan ni Tan, sa dedikasyon sa serbisyo at husay nito sa pamumuno bilang director sa naturang rehiyon.
Batay sa inilabas na datos, nahigitan ng DPWH Region 1 ang target nitong 87% Absortive Capacity o ang tamang paglaan o paggamit ng budget sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act na nakalaan sa kagawaran, habang umabot naman ng 97% ang kabuoang performance rating nito.
Nanguna rin ang DPWH Region 1 sa wasto at mabilis na paglalaan ng pondo sa unang bahagi ng 2021 sa pamamagitan ng mabilis na pamamahagi ng pondo sa mga isinasagawang proyekto ng DPWH sa naturang rehiyon.
Noon pa man ay kinilala na ang husay ni Tan sa dami ng mga award nitong natanggap sa nabanggit na ahensiya.
Ilan sa mga ito ang pagiging most awarded Regional Field Executive sa mga nakalipas na taon. (ANNIE PINEDA)
