Record-high para sa BOC at Port of NAIA P84-B PARA LANG SA ISANG BUWAN

SA pag-upo ng bagong liderato, agad na nakapagtala ng tumataginting na P84.42 bilyong koleksyon ang Bureau of Customs (BOC) – pinakamataas sa kasaysayan ng kawanihan mula nang likhain sa bisa ng isang batas 120 taon na ang nakakalipas.

Sa paunang ulat ng BOC Financial Service Office, lumalabas na mas mataas ng P23.369 bilyon (katumbas ng 39% increase) ang nalikom ng ahensyang pinamumunuan ngayon ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kumpara sa naitalang koleksyon para sa nakalipas na buwan.

Dagdag pa ng nasabing tanggapan, milya-milya rin ang agwat ng naitalang koleksyon ng kawanihan mula Enero hanggang Hulyo ngayong 2022 kum­para sa P358.915 bilyong na­likom ng ahensya sa unang pitong buwan ng nakaraang taon.

Bukod sa buwis at taripang kalakip ng pumasok at lumabas na kargamento, pasok rin sa nasabing halaga ng ganansya ang tinatawag na “cumulative collection” kung saan bahagi ang P1.128 bilyong dagdag-kita mula sa Tax Expenditure Fund (TEF) at P527.65 milyong mula naman sa Post Clearance Audit Group (PCAG).

Sa datos ng BOC Financial Service Office, umabot na sa P481.139 bilyon ang pumasok na pondo sa naturang kawanihan

sa nakalipas na pitong buwan – hindi hamak na mas malaki ng P92.542 bilyon kumpara sa itinakdang target na P388.597 bilyon.

Sa pagtatapos ng taong 2022, umaasa naman si Ruiz na mahahagip ng kanyang pinamumunuang ahensya ang target nitong makalikom ng P2.563 bil­yon mula sa TEF at P1.366 bilyon sa bisa ng mekanismong ipinatutupad ng PCAG.

Para kay Ruiz, malaking bentahe sa kanyang pinamumunuang ahensya ang iniwang reporma ni dating Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na agresibong nagsulong sa modernisasyon ng kawanihan batay na rin sa programa ng nakalipas na administrasyon.

Samantala, nagpakitang-gilas din ang tanggapan ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ayon kay BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, umabot sa P3.55-bilyon ang kabuuang halagang nalikom ng naturang distrito para lamang sa buwan ng Hulyo.

Aniya, labis pa ng P1.2 bil­yon ang aktuwal na koleksyon kumpara sa itinakdang target na P2.35 bilyon.

184

Related posts

Leave a Comment