PINABUBUWAG na ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang mga regional wage board at sa halip ay ipaubaya na lamang sa Kongreso ang pagtatakda ng minimum wage sa bansa.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, panahon na para ibasura ang Republic Act Act (RA) 6727 o Wage Rationalization Act na ipinasa noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
“When then-President Corazon Aquino signed into law Republic Act No. 6727 in 1989, the country abandoned the old practice of legislating national minimum wage and ushered in regionalized wage setting and wage increases via regional wage boards,” ani Brosas sa kanilang House Bill (HB) 4898.
Umaabot sa 17 Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa iba’t ibang panig ng bansa subalit sa nakaraang 30 dekada o mula 1990 nang ipatupad ang nasabing batas ay kakarampot umano ang naidagdag sa sahod ng mga manggagawa.
Bago ang nasabing batas, P89 kada araw lamang ang minimum wage sa Metro Manila partikular na noong 1989 subalit matapos ang 32 taon ay wala pang P500 ang naidagdag dahil P570 pa lang ang arawang-sahod sa nasabing rehiyon.
Mas kaawa-awa aniya ang mga nasa labas ng Metro Manila tulad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na P341 kada araw ang minimum wage.
Malayong-malayo aniya ang sahod ng mga manggagawa sa bansa sa P1,117 na dapat sahurin ng mga manggagawa araw-araw upang magkaroon ng disenteng pamumuhay.
“Wage discrepancies per region have also been exploited by businesses to provide lower wages for the same kind of work. This has been the case for business process outsourcing (BPO) workers and several other industries,” paliwanag pa ni Brosas sa kanilang panukala. (BERNARD TAGUINOD)
172
