(NI AMIHAN SABILLO)
DUDULOG ang Philippine National Police (PNP) ng tulong ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kaso ng pagpapalaya kay dating Daraga, Albay mayor Carlwin Baldo.
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Oscar Albayalde, aniya, ang OSG ay siyang magbibigay direksyon sa kanila ng hakbang na legal sa kaso.
Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, wala silang magagawa sa kaso dahil ang desisyon ay galing sa korte na dapat nilang respetuhin.
Magtatalaga sila ng opisyal mula sa CIDG na siyang makikipag ugnayan sa OSG para sa kaso.
Ang hirit ng PNP ay sa paniwalang matibay na ebidensya na naiprisinta laban kay Baldo ngunit pinayagan pa rin itong makapaglagak ng piyansa.
Nasa P6 milyon ang itinakda ng Legaspi RTC sa paglaya ni Baldo.
Siya ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol PL Rep Rodel Batocabe at bodyguard nito na si SPO2 Orlando Diaz noong Dec 2018.
