REP. JAYE NOEL INILAGLAG NG ANAK

LAHAT ng tao ay may kanya-kanyang opinyon, o pagsusuri sa kahit anong usapin, o pangyayari.

Kahit ang mga kasapi ng isang pamilya ay puwedeng magkasalungat sa kanilang pananaw sa mga isyu o ­kontrobersiyang nagaganap sa ating bansa.

Ngunit, ibang usapan na kapag lantarang akusahan ng anak ang kanyang mga magulang ng mga masasama at masasakit na salita tulad ng ginawa ni Kito Noel sa kanyang ina na isa pa man ding

kinatawan ng Lungsod ng Malabon sa ‘kagalang-galang’ na mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa kanyang twitter account @marupokpokito, inakusahan ni Kito Noel si Rep. Jaye Noel na “fascist”.

Hindi lang masama, kundi napakasama, ng kahulugan ng salitang pasista.

Samakatuwid, napakasakit ito kapag inakusahan at tinamaan ang taong binansagang pasista.

Ang kahulugan ng salitang pasista ay pinuno na ­gumagamit ng dahas, pananakot at higit sa lahat handang ipag-utos sa kanyang mga tauhan na pumatay nang pumatay ng mga tao upang manatili sa puwesto sa estado.

Kinamumuhian nang todo ang isang pasistang lider dahil sa napakasamang estilo ng pamumuno nito.

Si Rep. Noel ay inakusahang pasista ni Kito dahil bumoto ang mambabatas pabor sa Anti-Terrorism Bill.

Nanawagan pa si Kito na huwag iboto ang kanyang ina.

Ang tinutukoy ni Kito ay ang halalan sa 2022.

Napapabalitang tatakbong alkalde ng Malabon si Rep. Noel dahil huling termino na ni Mayor Antolin Oreta III.

Binatikos din ni Kito ang kanyang ina makaraang ­“i-deputized” ng kongresista si Pasay City Rep. Antonino Calixto na bumoto ng “yes” sa ‘pagpatay’ ng House Committee on Legislative Franchises at Good Government and Public ­Accountability sa aplikasyon ng ABS-CBN ­Corporation ng panibagong 25 taong prangkisa nito.

Kaya, mayroong mga nagulat at todo-todong nadismaya nang tawagin nitong pasista ang sariling ina.

Kinumpirma ni Rep. Jaye Noel na anak nila ni An-Waray party-list Rep. Florencio “Bem” Noel si Kito.

Inamin din ni Jaye na totoo ang mga pahayag ni Kito sa ­twitter account nito.

“Actually, Nelson, my son stopped talking to me after I vote for the ATB. He has been ­avoiding me at home. Did not join meal times when I’m around. I respected his space & did not impose my presence on him. We raised our children to have their own views & opinions on anything & everything…,” paliwanag ni Jaye.

“We our children’s ­opinions just as we expect them to ­respect ours. That’s why with what he (Kito) did, though his dad & I were disappointed, we were not surprised….” patuloy ng kongresista.

Hindi ako nagtataka kung nadismaya si Rep. Jaye Noel sa inasal ng anak, sapagkat inilabas ng huli sa twitter ang kanyang sama ng loob o galit nang bumot ang kongresistang nanay niya pabor sa ATB at pumabor sa pagpatay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Napakaraming tao ang nagbabasa sa twitter.

Sabi ni Rep. Noel, “deactivated” na ang @marupokpokito twitter account ni Kito.

Mahigit isang taon na lang, eleksyon na.

Malalaman natin kung mangangampanya si Kito sa mga botante ng Malabon upang matalo sa pagka-alkalde o pagka-kongresista si Rep. Jaye Noel.

BADILLA NGAYON
Ni NELSON BADILLA
124

Related posts

Leave a Comment