NANANATILING nasa diskresyon ng lokal na pamahalaan kung ang isang domestic traveler ay kailangang sumailalim sa RT-PCR testing o magpresenta na lamang ng kanilang vaccination proof.
Ito ang binigyang linaw ng Inter-Agency Task Force matapos ang ilang kalituhan sa ilang protocols.
Nauna nang sinabi ng IATF na ang mga nakakumpleto na ng bakuna ay maaaring ipakita ang kanilang inoculation card o quarantine certificate sa halip na negative swab test result kapag bibiyahe domestically.
Gayunman, sinabi ng ilang LGUs na nabigo ang task force na sila’y konsultahin at tinukoy na may ilang lugar ang gumagamit ng iba’t ibang vaccination cards.
Sa pulong ng IATF nitong Huwebes ay nilinaw nito na maaaring tumanggap ang local government units ng COVID-19 vaccination card o certificate of quarantine completion bilang alternatibo sa RT-PCR testing, “which the local government may require.”
“This means that LGUs retain the discretion in requiring RT-PCR testing or accepting duly issued COVID-19 vaccination cards for allowed interzonal travel,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
“These vaccination cards shall be sufficient proof of vaccination and any individual who shall present forged and/or falsified vaccination cards shall be dealt with in accordance with the law,” dagdag na pahayag nito.
Binigyan naman ng IATF ang lokal na pamahalaan ng kalayaan pagdating sa requirement para sa mga biyahero “because they will make their own risk assessment, being the local chief executives of their respective jurisdictions,” ayon kay task force chairperson at Health Secretary Francisco Duque III.
Sa ulat, nakapagtala ang Pilipinas ng 1.4 million coronavirus cases, itinuturing na “second highest tally” sa Southeast Asia, sumunod sa Indonesia.
Layon ng mga awtoridad na bakunahan ang 58 hanggang 70 milyon ng 109 milyong populasyon paa ligtas na mabuksan ang ekonomiya ng bansa.
Tinatayang may 3 milyong Filipino na ang fully inoculated laban sa COVID-19, habang 9 milyon naman ang nakatanggap pa lamang ng kanilang unang dose.
‘Allowed movement’ nilinaw ng IATF
NILINAW sa pagpupulong kahapon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang “allowed movement” ng mga fully vaccinated na indibidwal na nakasaad sa Resolution No. 124-B.
Patuloy, ani Presidential spokesperson Harry Roque, na pinapayagan ang intrazonal movement ng fully vaccinated senior citizens sa mga lugar na nasa GCQ at MGCQ.
Kailangan lamang aniyang magpakita ng COVID-19 vaccination card na inisyu ng isang lehitimong vaccination establishment / authority, maging ito man ay local o foreign; o certificate of quarantine completion na nagpapakita ng vaccination status ng isang holder nito na inisyu ng Bureau of Quarantine, “whichever is applicable.”
Samantala, para naman sa interzonal travel, pinapayagan sa ilalim ng mga resolusyon ng IATF at “Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines, “as amended,” na maaaring tanggapin ng mga local government unit ang COVID-19 vaccination card na inisyu ng lehitimong vaccination establishment / authority, maging ito man ay local o foreign; o ang certificate of quarantine completion na nagpapakita ng vaccination status ng isang holder na inisyu ng Bureau of Quarantine, “whichever is applicable”, bilang alternatibo sa RT-PCR testing requirement ng local government.
Ang COVID-19 vaccination cards na ito ay sapat na katibayan na ng pagbabakuna at sinoman aniya ang magprisenta ng pinekeng vaccination cards ay mananagot sang-ayon sa batas. (CHRISTIAN DALE)
161 