RHU NG PAKIL, LAGUNA SARADO MUNA

LAGUNA – Pansamantalang isinara ang Rural Health Unit ng bayan ng Pakil makaraang magpositibo sa COVID-19 ang tatlong nurse na nakadestino sa nasabing pagamutan.

Ayon sa ulat, kabilang sa kabuuang bilang ng mga nahawaan ng nakamamatay na sakit ang tatlong nurse na kumakalinga sa mga residenteng may karamdaman sa nasabing lokalidad.

Ayon kay Mayor Vince Soriano, kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas ang tatlong nurse sa kanilang quarantine facility, habang patuloy ang isinasagawang disinfection ng rural health office ng kanilang munisipalidad.

Maging ang ambulansya ay sumasailalim din sa disinfection upang matiyak na hindi maipasa sa iba ang sakit.

Dagdag pa ng alkalde, agresibo rin ang kanilang isinasagawang contact tracing sa mga nakasalumuha ng mga nagpositibong nurse.

Inaasahan aniyang magbabalik operasyon ang Pakil RHU sa susunod na linggo.

Sa buong rehiyon ng Calabarzon, numero uno ang Cavite sa may pinakamaraming active cases, sa bilang na 16,459. Sinundan ito ng Laguna, 9,073; Batangas, 5,136; Rizal, 4,155; Quezon, 1,863; at 511 sa Lucena. (CYRILL QUILO)

222

Related posts

Leave a Comment