RIDER ARESTADO SA SHABU

ARESTADO ang isang motorcycle rider matapos makumpiskahan ng umano’y shabu makaraang tangkang takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita, dahil wala siyang suot na helmet sa Caloocan City noong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan City Police chief, Col. Samuel Mina Jr., ang arestadong suspek na si Mohammad Azis Macapuli, 22, ng Doña Aurora St., Brgy. 177, Camarin.

Ayon kay Col. Mina, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station 11 sa Zapote Road, Brgy. 178, Camarin dakong alas-2:45 ng madaling araw nang parahin nila si Macapuli na sakay ng isang motorsiklo dahil walang suot na helmet.

Nang hanapan ng identification card ay pumalag umano ito at tinangkang tumakas ngunit kaagad namang napigilan ng mga pulis at naaresto.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang P3,740 ang halaga.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)

88

Related posts

Leave a Comment