BATANGAS – Patay ang isang rider na minamalas na mabagsakan ng nalaglag na container van mula sa kinalululanan nitong trailer truck sa Batangas City noong Lunes ng madaling araw.
Hindi umabot nang buhay sa ospital ang 44-anyos na biktimang si Franklin Masilungan, residente ng Brgy. Pook ni Banal, sa bayan ng San Pascual, matapos na mabagsakan ng container van habang lulan ng kanyang motorsiklo.
Batay sa report ng Batangas City Police, nakahinto ang motorsiklo ng biktima sa shoulder ng M. Pastor Avenue sakop ng Barangay Pallocan West nang masapol ng 20 ft container van na nalaglag mula sa trailer truck na minamaneho ni Herwin Ador, at pag-aari ng Asian Marine Transport Corporation mula sa Cebu City.
Patungo sa direksyon ng Batangas-Tabangao-Lobo Road ang trailer truck nang sumabit sa kable ng PLDT ang itaas na bahagi ng container van kaya natanggal at nalaglag ito sa kinaroroonan ng biktima.
Isinugod ang biktima ng mga tauhan ng City Emergency Response Team sa Batangas Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Naaresto naman ng mga awtoridad ang driver ng trailer truck na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. (NILOU DEL CARMEN)
