ROAD RAGE SUSPECT TINADTAD NG KASO

SINAMPAHAN ng iba’t ibang kaso ng Quezon City Police District (QCPD) sa Office of the Assistant City Prosecutor (ACP) noong Hulyo 14, 2021 ang isang lalaking sangkot sa road rage incident sa nasabing siyudad kamakailan.

Kinilala ni QCPD chief, Gen. Antonio Yarra, ang suspek na si Arvin Tan, 46-anyos, residente ng No. 49 C 11 corner Gilmore St., New Manila, Quezon City, kasalukuyan nasa kustodiya ng Kamuning Police Station (PS 10).

Kabilang sa isinampang mga kaso kay Tan ang paglabag sa RA 10586 (An Act Penalizing Persons Driving Under the Influence of Alcohol, Dangerous Drugs and Similar Substances, and for Other Purposes), paglabag sa Section 11 ng RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Estafa (non-payment), Reckless Imprudence Resulting in Damage to Government Property, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, at RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).

Si Tan ay naaresto ng mga elemento ng QCPD at Manila Police District dakong alas-12:00 ng tanghali noong Hulyo 13, 2021 sa Recto Avenue, malapit sa panulukan ng Nicanor Reyes St., Manila.

Nabatid sa record ng pulisya, dakong alas-11:00 ng gabi noong Hulyo 12, 2021 si Tan ay nag-check-in sa SOGO Hotel sa Timog Ave., Brgy. South Triangle, Quezon City.

Ngunit si Tan at staff ng nasabing hotel ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo nang hindi bayaran ng una ang kanyang hotel bills.

Sa halip na magbayad umano ang suspek ay humihingi pa ito ng P20,000 mula sa staff ng hotel.

Dahil dito, ang hotel staff ay humingi ng tulong sa pulisya agad namang nagresponde.

Habang kinokompronta umano ng mga pulis ang suspek ay sumakay ito sa kanyang color black BMW car na may conduction stickers AB0045, para tumakas at binangga ang QC-64 mobile car ng mga pulis na nagresponde, at NMAX motorcycle na minamaneho ni P/MSgt. Tagulao.

Subalit ang suspek ay nahuli rin kalaunan ng mga elemento ng QCPD at MPD sa kanyang bahay sa Maynila.

Sa ginawang pagproseso ng QCPD SOCO Team sa pangunguna ni P/Maj. Joseph Infante sa crime scene ay nakarekober sila ng bukas na sachet na naglalaman ng shabu at aluminum foil sa cellphone ng suspek sa loob ng sasakyan nito.

Samantala, dakong alas-9:00 ng gabi ng parehong petsa, isang Guest Relation Officer na kinilalang si Kristine Marcelo, 21-anyos, ang nagsampa ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Person laban kay Tan.

Lumalabas din sa imbestigasyon na minsan na ring nag-amok si Tan sa Manila Police District (MPD) noong Setyembre 2017 at may dating mga kasong direct assault, usurpation of authority, malicious mischief resulting in damage to property, unjust vexation, anti-littering, alarm and scandal, at resistance and disobedience of lawful authority. (JOEL O. AMONGO)

218

Related posts

Leave a Comment