MANILA — Nanawagan si Makati Business Club Executive Director Apa Ongpin na igalang ang karapatan ni dating House Speaker Martin Romualdez na mabigyan ng due process sa gitna ng umiinit na imbestigasyon kaugnay ng flood control scandal.
Ayon kay Ongpin, hindi dapat isakripisyo ang pangalan ni Romualdez sa harap ng mga paratang hangga’t hindi pa napatutunayan ng mga awtoridad ang buong katotohanan.
Binigyang-diin niya na ang anumang imbestigasyon ay dapat manatiling malaya, patas, at walang impluwensiya mula sa sinumang nasa kapangyarihan — kabilang na ang Pangulo mismo.
Giit ni Ongpin, mahalagang ipakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang kanyang pamahalaan ay tunay na kumikilos para sa katarungan at hindi para sa pulitika. “Kung nais nating manumbalik ang tiwala ng mamamayan, dapat magsimula ito sa taas – sa liderato mismo,” ani Ongpin.
Dagdag pa niya, “Ang due process ay hindi pribilehiyo, ito ay karapatan ng bawat Pilipino – mayaman man o mahirap, opisyal man o ordinaryong mamamayan.”
Binanggit din ng negosyante na ang mga imbestigasyon ay hindi dapat maging instrumento ng pulitika. Aniya, kapag ginagamit ang mga ito bilang sandata laban sa mga kalaban, unti-unting nawawasak ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat tagapangalaga ng katarungan.
Tinukoy ni Ongpin na ang tunay na reporma sa pamahalaan ay nasusukat sa kakayahan nitong maglitis at magpasiya nang walang kinikilingan. “Ang hustisya ay dapat pare-pareho ang timbangan, hindi nakasalalay sa posisyon o koneksyon,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y katiwalian sa mga flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Si Romualdez ay pilit lamang na isinasangkot sa mga alegasyon ng suhulan at overpricing – mga paratang na mariin naman niyang itinanggi. Nagbitiw siya bilang Speaker ng Mababang Kapulungan upang bigyang-daan, aniya, ang “buong pagsisiyasat at pananagutan.”
Para kay Ongpin, hindi kailanman dapat maging biktima ng trial by publicity ang sinumang inaakusahan, lalo na kung wala pang pinal na ebidensiya.
“Ang tunay na hustisya ay hindi nagmamadali – ito ay matatag, makatarungan, at hindi nagpapadala sa galit ng publiko,” pagtatapos ni Ongpin.
(END)
