LAGUNA – Kasabay ng paglobo ng bilang ng mga indibidwal na tinamaan ng COVID-19, dumarami na din ang mga pumapanaw, sukdulang hindi na ito kayanin ng mga crematorium sa lungsod ng Biñan kung saan pila na din maging ang pagsunog sa mga bangkay.
Bilang tugon ng pamahalaang lungsod ng Biñan, agad naman itong bumili ng isang dambuhalang freezer kung saan umano pansamantalang ilalagak ang mga labi ng mga pumanaw dahil sa COVID-19.
Paliwanag ni Mayor Alfredo Dimaguila, hindi na kinakaya ng kanilang crematorium ang mabilis na pagdating ng mga labing kailangan nilang i-cremate bilang pagtalima sa panuntunang ipinalabas ng Department of Health sa hangaring hindi na makahawa pa ang mga ito.
Inaasahan na din aniya nila ang pagdating ng nasabing freezer ngayong linggo.
“Tomorrow or the next day after tomorrow, maide-deliver na po ang aming freezer na inorder dahil nao-overwhelm din po yung aming crematorium,” saad pa ng alkalde.
Aniya, apat na bangkay lang ang kayang i-cremate ng kanilang pasilidad sa loob ng isang araw. Gayunpaman, lumalabas na naglalaro sa walo hanggang 10 ang dumarating na bangkay sa kanilang pasilidad araw-araw.
Kaugnay nito, wala naman planong magtayo ng isang mass grave para sa mga pasyenteng pumanaw dahil sa COVID-19. Mayroon naman umanong sapat pang espasyo sa kanilang lokalidad kung saan maari silang magtayo ng mga himlayan at columbarium.
Kabilang ang Biñan sa mga lokalidad na nagtatala ng mataas na bilang ng mga tinamaan ng nakamamatay na karamdaman, dahilan kung bakit hindi na makuha pang tumugon ng mga pagamutang una nang nagdeklara ng full capacity.
Kamakailan lang ay napaulat ang pagkamatay ng walong residente habang nakapila sa isang parking lot ng Ospital ng Biñan. (CYRILL QUILO)
215
