BUNSOD ng sumbong ng mga residente, nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine ang sako-sakong bala at sangkap na pampasabog sa Barangay San Bartolome, Sta. Magdalena, Sorsogon noong Martes ng umaga.
“Ito ang panlaban natin sa CTG (Communist Terrorist Group), ang pagkakaisa natin tungo sa iisang layuning tapusin na ang mahigit limang dekadang armadong tunggalian,” ani P/BGen. Jonnel C. Estomo, regional Director ng PNP-PRO5, matapos na matunton ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang isang M-16 armalite rifle; tatlong sako na naglalaman ng 212 brand new magazines para sa M16 rifles; dalawang anti-personnel mines, tatlong sako at isang malaking lata na naglalaman ng 5,245 rounds ng 5.56mm ammunition, at 34 blasting caps
Ayon kay P/BGen. Estomo, resulta ito ng epektibong interoperability ng Philippine Army at PNP katuwang ang suporta ng mga Bicolano na hindi kayang pabagsakin ng CTG.
Ang nasabing war materiel ng CPP-NPA ay hinanap ng mga tauhan ng 22nd Infantry Battalion (22IB), 31st Infantry Battalion (31IB), 903rd Infantry Brigade, 93rd Division Reconnaissance Company (93DRC), R2, PRO5, RMFB5, Sorsogon Police Provincial Office (SPPO), Sta. Magdalena Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company (2PMFC), at iba’t ibang intelligence units ng Army at PNP.
Inihayag ni Lt. Col. Nelson Mico, Battalion Commander ng 22IB, seryoso rin ang local residents na tulungan ang mga awtoridad na tugisin ang mga kasapi ng CTG at tuntunin kung saan naka-imbak ang kanilang war materiel.
Kung hindi to nabawi sa kamay ng CPP-NPA, posibleng maraming buhay ang mawawala, ani Col. Aldwine Almase, Brigade Commander ng 903rd Brigade. (JESSE KABEL)
502 