DINAKIP sa inilunsad na law enforcement operation ng mga elemento ng PNP-Police Regional Office 5 ang mag-amang sangkot sa paggawa ng mga pampasabog sa bayan ng Malilipot sa lalawigan ng Albay.
Sa report na isinumite sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, unang naaresto si Jovito Bonaobra Bermas Sr., 55, may asawa at residente ng Purok 1, Brgy. San Antonio Santicon, Malilipot, Albay sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Judge Alben C. Rabe ng RTC Branch 15, Tabaco City,
Ito ay may kaugnayan sa kasong paglabag sa RA 9516, ang batas na nagbabawal sa ilegal na pang-iimbak, pagbebenta, at paggawa ng mga pampasabog.
Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso. Dagdag pa rito ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na nakasaad sa Criminal Case No. T 8337 na may piyansang P120,000.
Ayon kay PNP-PRO5 spokesman, P/Major Malu Calubaquib, sumunod na nahulog sa kamay ng Malilipot MPS at Albay Maritime Police Station (MARPSTA) ang anak ni Jovito na si Edmund Rey Adornado Bermas, 33, binata, residente rin ng nasabing lugar para sa parehong kasong paglabag sa RA 9516 at RA 10591.
“Maituturing na isang malaking tagumpay ang pagkakadakip sa dalawang akusado bilang bahagi ng kampanya ng PNP Bicol kontra kriminalidad.
Ang pagkakahuli sa kanila ay isang paraan upang mapigilan ang krimeng maaaring mangyari sa pamamagitan ng mga baril at pasabog na nasa kanilang pangangalaga.
Sa mga darating na panahon makakaasa ang ating mga kababayan sa ating walang tigil na operasyon upang mapanatiling tahimik ang ating komunidad,” ayon kay RD Estomo.
Samantala, inaresto rin ng mga operatiba ng PNP-Police Regional Office 5 ang isang dating sundalo ng Philippine Army makaraang mahulihan ng iba’t ibang kalibre ng baril, bala at pampasabog sa pagsalakay ng mga awtoridad sa Barangay San Vicente, Virac, Catanduanes.
Ayon sa ulat na natanggap ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, kinilala ang nadakip na ex-army na Jerry Docina Flores, 34, may asawa, tubong Iloilo at naninirahan sa nabanggit na lugar.
Ayon kay PNP-PRO5 spokesman, P/Major Malou Calubaquib, inilunsad ng pinagsanib na pwersa ng Virac Municipal Police Station (MPS); Catanduanes Provincial Intelligence Unit (PIU), at Catanduanes Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (PECU) ang law enforcement operation kasunod ng sumbong ng ilang local residents laban kay Flores.
Nakuha sa bahay ng suspek ang isang piraso ng Armscor kalibre .45 pistola; dalawang piraso ng magasin, at 27 bala para sa naturang baril.
Bukod dito, nagalugad din ng mga operatiba ang matataas na kalibre ng pampasabog kabilang ang limang hand grenade, limang M84 fragmentation hand grenade case; cartridge para sa 40mm high explosive at case nito; limang magazine para sa kalibre 5.56mm; 81 bala para sa kalibre 5.56mm; isang 5.56 link na kargado ng 22 bala, at anim na bala para sa 9mm.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ay nagsilbi ng mahigit 12 taon bilang corporal sa ilalim ng Philippine Army bago natanggal sa serbisyo. Dito umano nito nakuha ang baril, bala at mga granada.
Ang suspek ay nakakulong na sa Virac MPS habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.
Sa kabilang dako, magsasagawa naman na karagdagang pagsisiyasat kung kanino nakapangalan ang nakumpiskang mga baril at kung may pananagutan ang may-ari nito.
Ayon sa hepe ng Virac, isa sa tinututukan ng pulisya ang ma-account ang loose firearms at mai-turnover ito sa kinauukulan upang maiwasang magamit sa krimen. Bukas ang himpilan sa mga nagnanais mag-surrender ng baril para sa nararapat na disposisyon.
Kaugnay nito, binigyan naman ng pagkilala ni P/BGen. Estomo, ang mga operatibang nanguna sa operasyon na pagpapakita sa matinding pagsuporta ng PNP Bicol sa Intensified Cleanliness Policy ng kasalukuyang administrasyon.
“Patuloy ang PNP Bicol sa adhikain nitong linisin ang komunidad sa ano mang banta ng kriminalidad kaya naman walang humpay ang ating pakikipag-ugnayan sa publiko upang mas madali nitong maipaabot sa ating mga himpilan ang mga impormasyong makakatulong na gawing mas maayos at payapa ang ating pamayanan,” dagdag pa ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
