KUNG anong tapang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kapwa Filipino, mistulang natatakot naman ito sa International Criminal Court (ICC) kaya ayaw nitong magpa-imbestiga.
Ganito ang pananaw ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite sa pahayag ng Palasyo ng Malacañang na hindi sila makikipagtulungan sa ICC matapos pormal na hilingin ni outgoing ICC Prosecutor Fatou Bensouda na maglunsad ng full investigation kaugnay ng patayan sa Pilipinas sa ngalan ng war on drugs na inilunsad ng pangulo mula Hulyo 2016 dahil nakikitaan ito ng basehan ng ‘crime against humanity”.
“Bukambibig ng Palasyo sa mga mapanupil nilang batas, di daw dapat matakot ang walang kasalanan. Ngayon, ibabato natin yan sa kanila, why are you afraid of being investigated by the International Criminal Court?,” tanong ni Gaite.
“Are you guilty? What are you hiding?,” pahabol na tanong pa ng mambabatas dahil kung talagang walang kasalanan umano si Duterte ay matapang niyang haharapin ang ICC investigation.
Ang kahilingan ni Bensouda na magkaroon ng full blast investigation ay dahil kung anong ginawa ni Duterte sa Davao City noong siya ay mayor pa ng lungsod ay siyang ginawa nito sa buong bansa nang maging pangulo siya noong 2016.
Pagkakataon na aniya ito ni Duterte na patunayan sa buong mundo na walang isinagawang extrajudicial killings (EJK) habang siya ang pangulo ng bansa kaya dapat umanong humarap sa imbestigasyon.
“If the administration’s claims are true that the deaths related to the drug war are not part of a government-sanctioned campaign of extrajudicial killings, then the ICC investigation is the best way to show the world that Duterte and his men are innocent,” ani Gaite.
Gayunpaman sa pag-iwas nito sa imbestigasyon dahil hindi na umano miyembro ng ICC ang Pilipinas ay “It really gives an impression that they are guilty. They are afraid to be exposed, prosecuted, and punished”.
Kumalas si Duterte sa ICC noong 2019 dahil sa banta ng imbestigasyon nito subalit dahil nangyari ang patayan noong panahon na miyembro ang bansa sa nasabing korte ay maaari pa rin itong imbestigahan at parusahan kapag napatunayan na siya at kanyang mga kasabwat ay nagkasala.
PULITIKA
Kaugnay nito, kumbinsido ang Malakanyang na maliban sa pulitika ay ginagamit ni ICC prosecutor Fatou Bensouda bilang pantakip sa kanyang mga nagawa sa mga kapwa Africano ang pagdulog nito sa ICC pre-trial chamber para ihirit ang pormal na pagsasagawa ng imbestigasyon sa akusasyong crimes against humanity kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, may mga banat kasi kay Bensouda na mga kapwa Africano lamang niya ang kanyang kinakasuhan.
At upang masabi na hindi lang African ang kaya nitong asuntuhin ay nagkaso ito ng isang hindi niya kalahi.
Subalit, ani Sec.Roque, “not at the expense of President Duterte” at wala aniyang kooperasyong mapapala si Bensouda hanggang matapos ang termino ng pangulo sa June 2022.
Kumbinsido rin ang Malakanyang na hindi magpo-prosper ang kahilingan ni Bensouda na magkaroon ng “full investigation” sa drug-war killings sa Pilipinas dahil ang report na hawak nito ay base lamang sa hearsay information.
“We are confident it will not prosper beyond this stage because in the first place, you need cooperation of the state if you are going to resort to a case buildup but right now, all they have is hearsay information,” ayon kay Roque.
Nitong Lunes, hiniling ng tinaguriang “top prosecutor” ng international war crimes court sa mga hukom na buksan ang imbestigasyon ng libo-libong pagpatay sa bansa sa ilalim ng bloody drug crackdown, sabay sabing ang krimen laban sa humanity ay maaaring nangyari.
Marso 2018, nang kanselahin ni Pangulong Duterte ang membership ng Pilipinas sa ICC’s founding treaty ilang linggo lamang matapos na ianunsyo ni Bensouda na ikinasa na ang preliminary examination. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
