Sa Laylo Research April 14-20 survey BBM MALAPIT NA SA 70% TARGET

NAPANATILI ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang pataas na direksyon ng kanyang voter preference matapos umakyat ito sa 64%, ayon sa pinakahuling resulta ng pre-election survey ng Laylo Research.

Kapansin-pansin na umangat ng tatlong porsyentong puntos ang numero ni Marcos mula sa naitala niya nitong Marso na 61%.

Dahil rito, nasa 43 porsyentong puntos na ang kanyang lamang sa kanyang pinakamalapit na karibal.
Nasa malayong pangalawang pwesto si Leni Robredo, na nakakuha ng 21% na voter preference at sinundan nina Isko Domagoso at Sen. Manny Pacquiao, na nagtabla sa ikatlong puwesto na may tig-5%, at Sen. Ping Lacson sa ikaapat na puwesto na may 2 %.

Ang pambansang survey na gumamit ng 3,000 rehistradong botante maaaring bumoto ay isinagawa mula Abril 14 hanggang 20, 2022.

Dahil na rin sa magandang performance ni Marcos sa nasabing survey, naniniwala ang ilang eksperto na malaki ang posibilidad na malampasan niya ang 70% na voter preference sa mga susunod na edisyon nito.

Nakita rin sa resulta ng Laylo survey na patuloy na nangingibabaw si Marcos sa lahat ng pangunahing voting areas at nakakuha ng 62% na voter preference sa National Capital Region (NCR), 80% sa North Central Luzon (NCL), 46% sa South Luzon (SL) at Bicol, 57% sa Visayas (VIS), at 75% sa Mindanao (MIN).

Ang mga resulta ng survey gaya ng sa Laylo ay nagpatibay sa obserbasyon ng ilang eksperto sa pulitika na ang mga numero ni Marcos ay patuloy na tatatag habang palapit ang halalan.

Nangangahulugan lamang anila na karamihan sa kanyang [Marcos] mga botante ay nagpasya na at malamang na hindi lumipat pa sa kabila ng sunud-sunod na mga negatibong propaganda laban sa kanilang kandidato.

Gayundin, sa resulta ng survey na inilabas ng PUBLiCUS Asia kahapon, tumaas ng 10% ang mga firm voters ni Marcos, mula 70% noong Pebrero na naging 80% nitong Abril.

Sinabi ng chief data scientist ng PUBLiCUS Asia na si Dr. David B. Yap, Jr., na ang pag-akyat sa bilang ng firm voters ay nangangahulugan lamang na ang mga botante ay nakatuon na lamang sa kanilang napiling kandidato.

Dagdag pa ni Dr. Yap, na ang pag-withdraw ng sinumang kandidato na iminungkahi sa Easter Sunday press conference kamakailan, ay hindi na makakaimpluwensya sa survey rankings dahil hindi masyadong magbabago ang numero ng mga maiiwang kandidato.

94

Related posts

Leave a Comment