Sa mga sangkot sa human trafficking LIFE IMPRISONMENT SA BI OFFICIALS

(BERNARD TAGUINOD)

MAHAHARAP sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa human trafficking partikular na sa ilegal na pagpapadala ng mga babae sa Syria.

Bukod dito, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na may multang P2,000,000 hanggang P500,000,000 ang mapatunayang guilty sa qualified trafficking.

Ang qualified trafficking sa ilalim ng Republic Act (RA) 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act ay para sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na sangkot sa human trafficking na nakasaad sa Section 10 (e).

Ginawa ni Brosas ang babala matapos matuklasan sa imbestigasyon ng Senado na ang BI officials na sangkot sa pastillas scam o pagpapapasok ng mga Chinese national para magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) ang sangkot din sa pagpapadala ng kababaihan sa Syria sa ilegal na paraan.

“If the allegations would be proven true, then these BI personnel are committing qualified trafficking as defined under the Expanded Anti-Trafficking in Persons Act,” ayon sa mambabatas.

 

MABIBIGO

Nababahala ang mambabatas na posibleng mabigo ang Pilipinas sa kampanya laban sa human trafficking kung totoo ang alegasyon na mismong ang mga tiwaling BI official ang pasimuno sa pagpapadala ng kababaihan sa Syria kapalit ng P50,000 kada ulo.

Sinabi ng mambabatas na kasama sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang BI subalit kung meron sa mga ito ang sangkot sa human trafficking ay mawawalang silbi ang nasabing batas.

“It appears that a complete trafficking business is thriving at the BI, with the import of Chinese workers for POGOs and the export of Filipino women to Syria. Papano nangyari ito, gayong isa nga dapat ang BI sa magtitiyak ng pagpapatupad ng batas kontra human trafficking?” tanong ni Brosas.

Dahil dito, pinarerebyu ng mambabatas ang nasabing batas para malaman kung talagang ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno na miyembro ng IACAT ang kanilang trabaho para matigil na ang human trafficking sa bansa.

Bukod sa BI, miyembro ng IACAT ang secretary ng Department of Justice (DOJ), Labor and Employment, Local Government, POEA, chief PNP, Philippine Commission on Women, Commission on Filipino Overseas at ilang non-government organizations.

320

Related posts

Leave a Comment