INATASAN ni PNP OIC Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang lahat ng chiefs of police ng mga bayan at siyudad sa boundary ng apat na karatig lalawigan ng Metro Manila na magtalaga ng mga tauhan para bantayan ang entry and exit points ng National Capital Region Police Office+ Bubble na nilikha para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ito ay matapos ang konsultasyon ni Eleazar kay Chief PNP, Police General Debold M Sinas.
Ayon kay LtGen Eleazar, layon nito na mapigilan ang pagtaas pa ng bilang ng COVID-19 cases na noong isang linggo ay umakyat na sa mahigit 8 libo ang bagong kaso.
Sa direktiba ni Eleazar ay mahigpit na pinatututukan ang mga access road o mga lusutan na posibleng gawing entry at exit point ng mga nagnanais pumasok at lumabas sa NCR plus bubble areas na binubuo ng Metro Manila at mga lalawigan sa paligid nito na kinabibilangan ng Bulacan at Rizal sa hilagang bahagi at Cavite at Laguna sa katimugang bahagi.
Ayon kay Eleazar, ang bubble concept ay bago sa kanilang kapulisan kaya nagkaroon ng mga adjustment at corrections sa kanilang implementasyon kasabay ng paglilinaw na walang Quarantine Control Points (QCPs) na ise-set up ang PNP sa loob ng NCR plus Bubble lalo na sa exit points ng Metro Manila mismo.
Maliban lamang kung kakailanganin para sumuporta sa mga QCP na na-set up sa boundaries ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal para tumulong sa trapik.
“There should be less restrictions for people inside the Bubble because they are considered as one big area. This is to ensure smooth access because workers of Metro Manila for instance live in these four adjacent provinces,” paglilinaw ng heneral. (JESSE KABEL)
403
