KUMBINSIDO si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go sa paniniwala ng ilang health expert na kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Davao at iba pang lugar sa Visayas at Mindanao ay ang pagiging kumpiyansa o pagiging kampante.
Kaugnay nito, nanawagan si Go sa mga kababayan sa Visayas at Mindanao na huwag maging kampante kahit patuloy ang vaccination effort ng gobyerno.
Sinabi ni Go na kahit may bakuna kung patuloy na mayroong kaso ng COVID-19 ay hindi maaaring maging kampante ang lahat at dapat ay patuloy na sumunod sa health protocols.
Binigyang diin ni Go na binabalanse ng gobyerno ang lahat bagamat prayoridad pa rin ang kalusugan ng tao dahil mahalaga ang bawat buhay.
Giit ni Go, konting tiis pa at makakabalik din sa normal ang buhay basta manatiling disiplinado at sumunod sa ipinatutupad na minimum health standards ng gobyerno.
Kaugnay nito, tiniyak din ng mambabatas na pinag-aaralan at tinitimbang ng gobyerno ang lahat kung paano tuluyan nang buksan ang ekonomiya matapos tumaas ang bilang ng nawalan ng trabaho noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Go na unti-unting binubuksan ng gobyerno ang ekonomiya upang makapagbigay ng trabaho sa lahat ng nawalan ng hanapbuhay.
Aniya, ito ang dahilan kaya ngayon isinasagawa ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga economic frontliner.
Ipinaliwanag ni Go na ang mga economic frontliner ang mga kailangang lumabas ng bahay para maghanap-buhay kaya naman sila na ang isinalang sa pagbabakuna.
Kumbinsido si Go na habang patuloy ang vaccination drive, unti-unti ring binubuksan at bumabalik ang sigla ng ekonomiya.
Dahil dito ay makababalik na aniya ang mga nawalan ng trabaho sa paghahanap-buhay. (ESTONG REYES)
