(JOEL O. AMONGO)
PINAGHAHANDAAN ng grupong Malayang Quezon City at iba pang lokal na opisyal ang pagsasampa ng kasong graft at plunder laban kay Quezon City Mayor Joy Belmonte kaugnay ng diumano’y overpriced food packs na ipinamahagi sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kahapon ng umaga, pinangunahan ni AnaKalusugan Party-list Rep. Mike Defensor kasama sina Cong. Allan Reyes ng District 3; Cong. Onyx Crisologo ng District 1; Councilor Karl Castelo ng District 2; ex-Cong. Bingbong Crisologo at Malayang QC President Edwin Rodriguez ang pagtungo sa Kamuning Market upang pagkumparahin ang presyo ang presyo ng mga pagkain na kabilang sa food packs na ipinamahagi ng tanggapan ni Belmonte.
Ang food packs ay kinabibilangan umano ng de lata at bigas na kung susumahin base sa presyo sa palengke ay aabot lamang P654 kada pack subalit ang binili umano ng QC LGU ay P1,149 per pack.
Una nang isiniwalat ni Defensor ang 350,000 food packs na binili ni Belmonte sa Thyme General Merchandise na nagkakahalaga aniya ng P402.5 million.
Nakakuha rin sila ng isa pang PO na nilagdaan din ni Belmonte para naman sa 250,000 food packs na nagkakahalaga ng P287,475,000 at binili sa LXS Trading. Tulad ng unang food pack na binili, P636 ang halaga ng pagkaing laman nito kaya overpriced umano ito ng P128,495,000. Kung pagsasamahin ang dalawang PO na nilagdaan ni Belmonte ay P308 million aniya ang nawala sa pondo ng QC government.
Kaugnay nito, sinabi ni Defensor na naghain siya ng resolusyon sa Kongreso para imbestigahan hindi lang si Mayor Belmonte kundi lahat ng may ganitong usapin ng overpricing sa pagbili ng ayuda para sa taumbayan.
Itinanggi rin ni Defensor na namumulitika siya dahil gusto lamang umano niyang itama ang maling nangyayari.
Pinangatawanan din nito ang naunang pahayag na handa siyang bumitiw sa pulitika kung mapatutunayan ni Belmonte na walang overpricing sa biniling food packs.
Ani Defensor, sa isasagawang imbestigasyon sa Kongreso ay matutukoy kung ano ang mga kasong posibleng isampa laban sa grupo ng alkalde hindi lamang sa Ombudsman, kundi maging sa DILG para sa administrative charges at maging sa Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa hindi tamang presyo.
223 