Sa pagdami ng COVID-19 cases PINAS TOP SPOT NA SA SE ASIA

NANGUNGUNA na ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases kasunod ng panibagong mahigit 3,000 kaso na naitala ng Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.

Base sa case bulletin ng DOH, umakyat na sa 119,460 ang kabuuan ng confirmed COVID-19 cases sa bansa.

Mula sa higit 3,000 bagong kaso ng sakit, nasa 2,919 ang nagpositibo sa nakalipas na 14 araw. Ang higit 400 ay sa pagitan ng July 1 hanggang 22. Samantalang ang iba ay noon pang Mayo at Hunyo.

May ilan ding kaso ng sakit noong Pebrero, Marso at Abril pa nagpositibo pero ngayon lang nai- report.

“The top regions with cases in the recent two weeks were NCR ( 2,083 or 71%), Region 4A ( 299 or 10%) and Region 3 ( 96 or 3%).”

Nakapagtala naman ng 222 karagdagang bilang ng mga gumaling kaya 66,270 na ang total recoveries.

Habang siyam ang bagong reported na namatay kaya ang total ay umabot na sa 2,123.

Kaugnay nito, sa buong mundo ay pumalo na sa 18,926,303 ang bilang ng mga infected ng COVID-19.

Sa nasabing bilang, 6,072,201 (99%) ang mayroong mild condition at 65,500 (1%) naman ang nasa serious o critical condition.

Mayroon namang 709,318 bilang ng mga namatay habang ang mga gumaling ay abot na sa 12,079,284.

HOTSPOT

Samantala, pinalagan at itinuturing na espekulasyon ni Testing Czar Secretary Vince Dizon ang ulat ng isang pahayagan sa Singapore na hotspot na ng COVID-19 sa Asya ang Pilipinas.

Sinabi ni Dizon, isang speculative statement ang inilabas ng naturang dayuhang pahayagan na mahirap bigyan ng komento.

Ani Dizon, hindi naman kataka-taka kung dumami nga ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil marami na ang na-trace at sumalang sa testing.

Sa katunayan ani Dizon, ay ang Pilipinas na ang pinakamaraming nagagawang test kada araw sa South East Asia.

Ang mahalaga, ayon sa testing czar ay makapagsagawa ng maraming testing upang sa gayon sa pamamagitan nito ay matutukoy kung sino ang dapat ma-isolate at mabigyan ng kaukulang
atensiyong medikal.

KAPALPAKAN

Patunay na may mali ang pamahalaan sa pagharap at paglaban sa COVID-19 pandemic kung kaya’t nangunguna ang Pilipinas sa Southeast Asia sa dami ng kaso ng nasabing virus.

Ito naman ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson.

“So far I would say we are not succeeding in our fight against COVID-19. Kung No. 1 spot na tayo sa SE Asia, something must be wrong. It’s more or less consoling to hear Sec. Duque talking about re- strategizing ang pag-approach sa COVID-19 pandemic,” sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, pananagutan ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III ang health situation ng bansa kung kaya’t malaki ang pagkukulang nito sa pagharap sa COVID-19.

Idinagdag pa nito na nasa 14 senador ang nanawagan ng pagbibitiw sa posisyon ni Duque subalit nagmamatigas ito dahil sa suporta ng Malacañang. (D ANIN/CHRISTIAN DALE/NOEL ABUEL)

128

Related posts

Leave a Comment