PITONG opisyal ng isang ospital sa Pasig City ang pinakakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice dahil sa nadiskubreng pekeng claims sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na aabot sa P.8 milyon.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang mga opisyal ng Tricity Medical Center (TMC) na sina Dr. Enrico Cruz, hospital administrator; mga miyembro ng board of directors na sina Dr. Gjay Lalu Ordin; Dr. Froilan Antonio De Leon; at Dr. Lourdes Rhoda Reyes Padilla; RN ng pagamutan na si Cherry Catalan Flores; PhilHealth Staff ng ospital na si Arlene Joy Sebuc; at hospital clerk na si Svend Agodilos Rances.
Nabatid kay Distor, isang intelligence report ang nakarating sa Anti-Graft Division noong Enero 8, 2020 ukol sa posibilidad na paniningil ng naturang pagamutan ng claims sa PhilHealth sa sinasabing mga pasyente ng hemodialysis.
Ayon sa ulat ng NBI, walang aktuwal na mga pasyente o kaya naman ay patay na ang mga sinasabing sumasailalim sa hemodialysis treatment.
Dahil dito, nagkasa nang masusing pagsisiyasat ang NBI at nakumpirmang nasa mahigit isang taon na umanong ginagawa ng mga opisyal ng ospital ang nasabing iregularidad.
Nadiskubreng may 318 mapanlinlang na claims ang TMC na aabot sa kabuuang halagang P824,200. Malaki rin umano ang posibilidad na mas mataas at umabot sa P4.3 milyon ang nasingil ng pagamutan mula 2016-2019 base sa database ng PhilHealth.
Noong Setyembre 20 nang irekomenda ng NBI-AGD na sampahan ang pitong opisyal ng pagamutan sa DOJ ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 44 ng RA 7875 o National Health Insurance Act of 2013. (RENE CRISOSTOMO)
267 