SABLAY SA EXPANDED DISCOUNT PARA SA SENIOR CITIZENS, PWDs

MATAGAL nang naisabatas ang garantiyang diskwento sa senior citizens at mga taong may kapansanan, subalit tila kapos pa rin ang saklaw ng mga naturang batas – partikular ang Republic Act 9994 (Expanded Senior Citizen Act) at RA 7277 (Magna Carta for Disabled Persons).

Kamakailan lang nang pagtibayin ng Kamara ang resolusyong nag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno na agarang maglabas ng guidelines kaugnay sa pagbibigay ng diskwento sa online

transactions ng senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Sa unang tingin, maski sinong ­senior citizen o PWD ay malulugod sa probisyong nagbibigay ng 20% discount at exemption sa value added tax (VAT) sa pagbili ng mga produkto at serbisyo.

Subalit ang inaasahang magandang balita, biglang napalitan ng pagka­dismaya nang ipasok sa IRR ang ilang probisyong naglalakip ng limitasyon sa produktong saklaw ng naturang batas.

Ang masaklap, pati ang halaga ng bilihin, nilagyan ng hangganan.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), pasok na sa mga diskwentong pribilehiyo sa senior citizens at persons with disabili­ties (PWDs) ang mga kalakal na ibine­benta sa online market – kabilang ang gatas, tubig, LPG, veterinary products, construction materials, batteries at electrical supplies.

Gayunpaman, nilinaw ng ­naturang departamento na may hanggang P1,300 lang ang halagang pwedeng bilhin ng senior citizens at PWDs kada linggo para makuha ang asam na ­diskwento.

Ang tanong – hindi ba’t mas ­angkop at maginhawa sa mga sektor ng mga nakatatanda at mga taong may ­kapansanan ang diskwento sa gamot at health supplements kung bibilhin sa online platform? Bakit tila nawaglit sa mapanuring mata ng DSWD ang ­pangunahing pangangailangan nila?

Nakalulungkot isiping tila pakay lamang ng bagong IRR na takamin ang senior citizens (na karamihan ay ­retirado na at walang trabahong ­pinagkakakitaan) na paandaran ang publiko sa pekeng malasakit sa mga may kapansanan, at maging kina lolo at lola.

Sa ating gobyerno, ‘wag naman puro paasa. Tunay na malasakit naman!

162

Related posts

Leave a Comment