BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-International Operations Division (NBI-IOD) ang isang Koreano dahil sa physical abuse at pagmamaltrato sa isang “escort girl” na kanyang kinasama sa isang condo hotel sa Malate, Manila.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor ang suspek na si Kang Min Seok, nanunuluyan sa isang condo hotel sa Malate.
Base sa ulat ng NBI, nangyari ang pananakit noong Agosto 23 sa tinutuluyang condo hotel ng suspek nang tumangging makipagtalik at gumamit ng ilegal na droga ang biktima.
Salaysay ng biktima, sa panahon ng kanyang pagseserbisyo sa suspek ay inaabuso siya nito nang pisikal at psychological. Dumanas din umano siya ng economic abuse.
Ayon pa sa biktima, walang kabusugan sa “sex” ang suspek dahilan ng malimit nilang pagtatalo na umaabot sa pisikal na pananakit.
Kapag humihingi umano ng pera ang biktima para sa kanilang household expenses ay hindi siya binibigyan at iniinsulto pa siya nito.
May pagpagkakataon din umanong napipilitan siyang mag-sideline para sa kanilang mga gastusin.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004. (RENE CRISOSTOMO)
191 