CAVITE – Patay ang isang 38-anyos na sales staff makaraang pagbabarilin ng isang lalaking kanyang kapitbahay na una nitong nakabanggaan sa motorsiklo sa Bacoor City sa lalawigang ito.
Dead on the spot ang biktimang si Anthony Ryan Bartolome, residente ng Block 7, Lot 7, Gemelina St., Addas 4B, Mambog 3, Bacoor City, sanhi ng mga tama ng bala mula sa suspek na si Robert Domingo Espanto, 53, may asawa, ng Block 5, Lot 2, Mahagony St., Addas 4B, Mambog 3 ng nasabi ring lungsod.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Alih Rimbang ng Bacoor City Police Station, dakong alas-7:00 noong Biyernes ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa Gemelina St., Addas 4B Mambog 3, ng naturang lungsod, hindi kalayuan sa lugar ng dalawang magkapitbahay.
Bago ang pamamaril, nabangga ng motorsiklo ng biktima ang motorsiklo ng suspek sa harap ng DiVi Mall sa Mambog 3, Bacoor City.
Ngunit timbes na magkaayos ay naghiwalay na kapwa galit ang dalawa at umuwi sa kanilang bahay.
“May binili sa tindahan ang biktima malapit sa kanila nang nakasalubong nito ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril sa ulo gamit ang kanyang kalibre .45,” ayon kay Rimbang.
Dagdag pa ni Rimbang, may dati nang alitan ang dalawa na posibleng dahilan ng pamamaril ng suspek sa biktima.
Agad namang nadakip ng barangay officials ang suspek na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Bacoor City Police. (SIGFRED ADSUARA)
