NAGPOSITIBO si Mayor Cipriano “Goto” Violago Jr. ng San Rafael, Bulacan sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) base sa lumabas na resulta ng kanyang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test noong Linggo.
Inamin ng alkalde sa kanyang Facebook account na siya ay sumailalim sa RT-PCR test at nagpositibo sa nasabing infectious disease.
Nabatid na nagsimulang makaranas ng flu-like symptoms si Violago noong Sabado kung kaya’t agad na nagpa-swab test at base sa resulta ay positibo ito sa COVID-19.
“Kaya ngayon, akin pong ipinapaalam sa inyong lahat na ako ay nag-positibo sa sakit na COVID-19. Ako po ay naka-quarantine na mula noong nagsimula ang aking sintomas at patuloy ang aking koordinasyon sa ating Municipal Health Office,” ayon kay Violago.
Umapela ang alkalde sa kanyang mga kababayan na patuloy siyang ipagdasal at malagpasan ang pinagdadaanang health issue kasabay ng panawagang sumunod sa mga tagubilin ng IATF kaugnay ng pagpapairal ng health standard protocols para maiwasan ang paglaganap ng virus. (ELOISA SILVERIO)
