(BERNARD TAGUINOD)
UMAABOT sa 1.3 milyong beneficiaries ng Special Amelioration Program (SAP) na idinaan sa Starpay ang hindi umano nakatanggap ng nasabing ayuda.
Ito ang nakasaad sa House Resolution (HR) na inihain ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na nag-atas sa House committee on social services na magsagawa ng imbestigasyon hinggil anomalya umano sa SAP na unang isiniwalat ni Sen. Manny Pacquiao.
“WHEREAS, out of the 1.8 million beneficiaries who would access the SAP through Starpay, only 500,000 were reportedly able to receive the assistance,” nakasaad sa resolusyon ng lady solon subalit hindi sinabi kung magkano ang sangkot na halaga.
Sa ilalim ng SAP na nakapaloob sa Bayanihan 1 at 2, nabigyan ng P8,000 ayuda ang mga pamilyang nakatira sa Metro Manila habang P5,000 hanggang P6,500 naman sa mga probinsya.
Ang Starpay ay isa sa pitong financial service providers na kinabibilangan ng Land Bank of the Philippines (LBP), GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya at Unionbank na kinontrata ng DSWD noong Hunyo 30, 2020 para magdownload ng SAP o ayuda sa beneficiaries.
Limpak-limpak ang kita
Kumita umano ng malaki ang FSPs na ito dahil kinaltasan nila ng mula P50 hanggang P250 ang ayuda ng bawat benepisaryo bilang service fees.
“WHEREAS, several SAP beneficiaries have complained that the cash assistance which they received under the SAP were deducted P50 to P250 as service fees or transaction fees, nakasaad din sa resolusyon ng mambabatas.
Umaabot sa 18 milyong pamilya ang tinarget bigyan ng ayuda sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 kaya kahit kalahati lang umano sa mga ito ang kinaltasan ng P50 hanggang P250 na service fees ay hindi biro ang halagang kinita ng mga FSP na ito.
Dahil dito, kailangang magsawa aniya ng imbestigasyon ang nasabing komite upang mabigyan ng katarungan, hindi lamang ang SAP beneficiaries kundi ang lahat ng Filipino na siyang magbabayad sa inutang ng gobyerno para sa ayudang ito.
234 