SARILI ANG ISIPIN SA PAGPILI NG KANDIDATO

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

MAPAIILING ka na lamang kapag mapapanood mo ang interview ng ilang nangungunang senatorial candidates na ang tanging kuwalipikasyon ay ang kanilang kasikatan at mukhang hindi handa talaga sa mundong papasukan.

Napailing na lamang ako noong mapanood ko ang interview kay Willie Revillame na tinanong sa isang forum kung anong batas ang gagawin niya kapag naging senador na siya pero wala pa raw siyang naiisip dahil hindi pa siya nahahalal na senador. Hello!!!

Hindi ba kapag bumiyahe ka sa labas ng bansa ay may itinerary ka na? May schedule ka na kung saan kayo pupunta? Mahirap kasi na saka ka lang magpaplano kung anong lugar ang pupuntahan mo kapag nasa ibang bansa ka na.

Kung ang mga sundalo naman ang tatanungin, bago sila sumabak sa giyera, hindi sila basta-basta susugod na walang plano, walang taktika. Pinaghahandaan at pinaplano talaga nila ang lahat bago sila sumabak.

Ganyan dapat ang mga senatorial candidate. Dapat may naiisip na silang panukalang batas na isusulong at gagawing misyon, ‘yun ay kapag nanalo na sila, hindi ‘yung saka ka lang mag-iisip kung anong batas ang gagawin mo kapag nanalo at nakaupo ka na.

Kung tinanong ka ng mga reporter kung anong batas ang gagawin mo, huwag mong itanong sa kanila kung anong batas ang magandang gawin dahil mabubuko ka lang na hindi mo alam ang gagawin mo pagdating sa Senado.

Saka huwag mong sabihin na marami nang batas na nagawa pero hindi umaasenso ang mga tao at ang bansa! Marami na palang batas na nagawa, bakit ka pa tatakbo at magdadagdag kung marami na palang batas? Wala sa hulog!

May kandidato naman na pinanawan na ng prinsipyo tulad ni Manny Pacquiao, na noong nakalaban niya sa presidential derby si Marcos Junior, sinabi niya na hindi intelihente ang mga tao kapag ibinoto ang Marcos sa Malacañang dahil bilyon-bilyong dolyar ang ninakaw nila sa mga Pilipino.

Pero noong wala nang kumuha sa kanya na grupo ay sumama siya sa grupo ni BBM, ‘yung sinabi niya noong 2022 na magnanakaw ang mga Marcos ay pinanginginoon na niya ngayon at hindi na raw kawatan ang mga Marcos. Masarap bang lamunin ang isinuka mo?

May isa namang kandidato na tinanong ukol sa dinastiya. Bakit daw siya tinatanong eh hindi sila ang unang dynasty at national position daw ang tinatakbuhan nilang pamilya kaya hindi maituturing na dynasty. Hello!!!

Kung mananalo pa ang mga kandidatong walang kwenta, wala nang ibang may kasalanan kundi ang mga botante na walang kadala-dala sa pagboto ng mga sikat pero magrereklamo kapag walang nangyari sa kanilang buhay.

Habang tumatagal parami nang parami ang mga sikat sa Kongreso kahit kasikatan lang ang kanilang kwalipikasyon, pero may nagagawa ba sila para maingat ang buhay natin at ang bansa sa kabuuan? Wala as in wala. Kaya dapat na kayong mag-isip. Tama ba na dapat sikat ang iboto? Maawa tayo sa sarili natin.

127

Related posts

Leave a Comment