PANTAY NA KARAPATAN NG MAHIRAP AT MAYAMAN SA PANAHON NG ELEKSYON

AT YOUR SERVICE NI KA FRANCIS

SA tuwing eleksyon lang nagkakaroon ng pantay na karapatan ang mahihirap at mayayaman kaya samantalahin natin ang pagkakataong ito.

Ang darating na Mayo 12, 2025 ay araw ng pagpili ng mga kandidato mula senador, party-list, kongresista, governor, vice governor, provincial board, city mayor, city vice mayor, city councilor, municipal mayor, municipal vice mayor at municipal councilor.

Sa ating pagboto, ‘wag tayo pasisilaw sa kinang ng pera, pumili tayo ng tamang kandidato na hindi natin pagsisisihan pagdating ng panahon.

Tuwing eleksyon ay maraming kandidato ang may pera kaya angat sila sa kanilang mga katunggali sa pamamagitan ng pagkakaroon ng advertisement sa telebisyon at iba’t ibang social media platforms.

Sa pamamagitan ng mga advertisement na ito ay napagtatakpan ang pangit sa isang kandidato, na kung susuriin nating mabuti ang kanyang background ay hindi kagandahan.

Kahit na ang pagiging Traditional Politician o TraPO ng isang kandidato ay nakalilimutan ng mga tao lalo na kung ang pagkakagawa ng advertisement ay ang usapin ng pagtulong sa pamilyang Pilipino.

Isa pa sa dahilan na palagi tayong nagogoyo ng mapagsamantalang kandidato ay ang pagiging maawain at madali tayong nakalilimot sa mga ginawa sa atin ng ating kapwa.

Kahit na may karanasan tayo na hindi maganda sa isang kandidato, pagkalipas ng ilang taon ay nakalilimutan natin ito lalo na kung mayroon siyang pera para sa kanyang advertisement.

May mga nakasuhan na sa anti-graft court subalit muli silang naihahalal dahil nakalilimutan ng mga Pilipino ang kanyang ginawa, at dahil na rin sa advertisement sa telebisyon at iba pang social media platforms.

Kaya narito ang ‘At Your Service’, muling nagpapaalala sa inyo na gamitin natin ang ating pantay na karapatan na pumili ng tamang tao na ating ilalagay sa iba’t ibang posisyon na magpapatakbo ng ating pamahalaan.

Kung hindi man lahat ng ating iboboto ay matino, at least makapili man lang tayo ng mahigit sa kalahati na magpapatakbo sa ating gobyerno, kaya posibleng magkaroon ng pagbabago ang takbo ng pamahalaan.

Sa ating mga Pilipino nakasalalay ang ikagaganda ng Pilipinas, iisa lang ang bansa natin, mahalin natin ang inang bayan.

Kung hindi tayo magiging matalino sa ating pagboto, tatlo hanggang anim na taon tayong magsasakripisyo bago natin sila mapalitan.

Kung ang kandidato ay gumastos ng malaking halaga ng pera para ipambili niya ng boto at gumamit siya ng advertisement sa kanyang pagpapabango sa sarili, ‘pag nanalo siya ay asahan na natin na babawiin niya ang kanyang ginastos ‘pag nakaupo na siya.

Kadalasan ang nagiging pananaw ng mga kababayan natin lalo sa mga lalawigan, ay tanggapin ang perang ibinibigay sa kanila ng mga kandidato dahil kahit papaano raw ay nagkakaroon sila ng pera tuwing eleksyon.

Kaya naman nagiging una’t huli ang perang ito na kanilang natatanggap mula sa kandidato, dahil kahit na nanalo ito ay hindi na sila nito papansinin.

Kaya kung gusto natin magkaroon ng tunay na pagbabago ang takbo ng ating bansa dapat simulan natin ito sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagpili ng tamang kandidato.

Kung sisimulan natin ngayong eleksyon, sa loob ng tatlo hanggang anim na taon ay mararamdaman natin ang pagbabago ng Pilipinas.

Gamitin natin ang ating pantay na karapatan sa panahon ng eleksyon, pumili tayo ng kandidato na makapagbabago sa ating bansa para sa kinabukasan ng susunod nating henerasyon.

-oOo-

More power pala sa mga taga-ROTARACT CLUB OF RIZAL CENTRO, namigay sila ng hygiene kits, libreng gupit, nagpakain at nagsagawa ng painting activity sa mga bata ng Sitio Dumpsite, Antipolo City, Rizal, sa tulong ng Joven Miranda Clan na sina Joven Delim-Miranda, Mike Miranda, Elvie Pelaez, Cedric Querubin, James Depedro, Khalil Aparente at Jhunnie Verano.

Sana marami pang tulad nila na tumutulong sa mga nangangailangan.

-oOo-

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.

61

Related posts

Leave a Comment