CAVITE – Makaraang makulong at lumaya, muling naaresto ang lider ng Sarimos drug group sa isinagawang buy-bust operation at nasamsam ang mahigit sa P103,000 halaga ng umano’y shabu sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Joel Sarimos y Perez, 40, driver, tinaguriang high value individual (HVI).
Ayon sa report ni P/SSgt. Wilson Candava ng Dasmariñas City Police, dakong alas-11:40 ng gabi nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cavite PPO at Dasmariñas CPS sa Bgry. Paliparan 1 sa nabanggit na lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek
Nakuha sa suspek ang tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,500 at buy-bust money.
Ang suspek na lider ng Sarimos drug group, ay unang naaresto noong Oktubre 2018 sa bisa ng search warrant dahil sa paglabag ng RA 9165 at RA 10591 subalit nakalaya ito matapos na magpiyansa.
Ang Sarimos drug group ay nag-o-operate sa Lungsod ng Dasmariñas at karatig na mga lugar sa lalawigan ng Cavite. (SIGFRED ADSUARA)
