SAYANG ANG PARAISO NG SULU

USAPANG KABUHAYAN

Kamakailan ay nagpunta tayo sa lalawigan ng Sulu upang personal na alamin ang sitwasyon matapos ang malagim na pambobomba sa Mt. Carmel church sa siyudad ng Jolo. Nagtungo rin tayo sa bayan ng Parang upang makisama sa inorganisang peace rally sa naturang bayan.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na napadpad tayo sa Sulu  at sa loob ng mahigit dalawang dekada ay wala tayong nakitang pagbabago. Nagkalat pa rin ang mga sundalo at matamlay pa rin ang kalakalan.

Sa napakaraming mga lugar na napuntahan natin, isa marahil ang lalawigan ng Sulu sa mga lugar na napag-iwanan na talaga ng panahon. Ito ay dahil na rin sa walang humpay na giyera at terorismo na siyang dahilan kung bakit patuloy na nasasadlak sa kahirapan ang naturang lalawigan.

Nakapanghihinayang sapagkat tunay na paraiso ang lalawigan ng Sulu. Kung sana ay magkaisa ang ating mga kababayan sa Sulu na labanan at iwaksi ang karahasan ay tiyak na mabilis ang pag-unlad sa kanilang mga pamumuhay.

Sa aspeto ng turismo pa lamang ay tiyak nating dadagsain ng mga turista ang Sulu dahil talagang natatangi ang ganda ng naturang lalawigan.  Halimbawa na lang ay ‘yung baybayin ng Parang na halos nakasisilaw ang kaputian ng napakalambot na buhangin nito.

May mga isla ring malapit dito na hugis bilog at sa gitna naman nito ay isang malawak at napakalinaw na cove!

Hindi rin pahuhuli sa ganda ang isla ng Basilan na gaya ng Sulu ay nasasadlak din sa karahasan.

Kung sana ay mapayapa sa mga naturang lugar, tiyak natin na magiging maunlad ang mga ito dahil na rin sa dami ng mga taong handang magbayad ng limpak-limpak na salapi upang masilayan at maranasan ang likas na kagandahan ng mga naturang lalawigan.

Sana lang ay manggaling na mismo sa mga mamamayan ng Sulu ang pagsisikap upang sila ay magkaisa na labanan ang kultura ng karahasan na patuloy na namamayani sa kanilang lalawigan.

Sayang na sayang sapagkat nabiyayaan ang kanilang lugar ng hindi mapapantayang yaman at kagandahan. Sayang kung ang kanilang mala-paraisong lugar ay patuloy na sinisira ng walang patumanggang karahasan. (USAPANG KABUHAYAN / BOBBY CAPCO)

284

Related posts

Leave a Comment