NAIS ni Senador Joseph Victor Ejercito na makulong ang mga nanloloko ng delivery riders.
Ginawa ni Ejercito ang hakbang dahil sa dumaraming reklamo ukol sa mga na-scam na delivery riders ng mga umoorder ng items tulad ng pagkain, groceries at mga gamot na una nilang binabayaran ngunit sa sandaling kanilang ideliver ay hindi na makontak o matagpuan ang mga umorder.
Dahil dito, inihain ni Sen. Ejercito ang Senate bill 1234 na naglalayon ng mabigyang proteksyon ang mga delivery rider.
Layunin ng naturang panukalang batas na huwag nang obligahin ang mga delivery rider na magbayad nang advance sa mga order ng kanilang kliyente.
Bukod dito, oobligahin din ang pagpaparehistro ng mga kliyente ng kanilang proof of identity at address sa delivery services.
Kapag naging ganap na batas, ang sinomang lalabag ay maaring makulong ng hanggang anim na buwan at magmumulta ng hindi lalampas sa P100,000.
Maari ring matanggalan ng lisensiya o permit ang mga negosyo na mang-aabuso sa kanilang riders sa pamamagitan ng monetary advances. (DANNY BACOLOD)
