SECOND CHANCE KAY GAWILAN

MULING magtatangkang maka­sikwat ng medalya ang Pilipinong decorated para-swimmer na si Ernie Gawilan, na sasabak sa 2020+1 Tokyo Paralympics men’s 400-meter freestyle-S7 ngayong umaga.

Lalangoy si Gawilan sa ikalawang heat sa ganap na alas-9:07 ng umaga sa Tokyo Aquatic Centre.

Ang top eight qualifiers ang uusad sa finals sa 5:00 ng hapon.

Kumpiyansa si swimming coach Tony Ong na mas maganda ang ipapakita ni Gawilan matapos mabigong mag-qualify sa finals ng 400m individual medley noong Biyernes.

Sa kabila nito, nakapagtala pa rin siya ng bagong Philippine record na 2:50.49 minuto.

Ang dating record ay 2:52 minuto na kanyang naitala nang ­magwagi sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.

“Honestly, I was happy with his (Gawilan’s) 200 IM time ­considering the short time of our preparations (for Tokyo) because of the ­COVID-19 pandemic and ECQ. That was nearly two seconds off his Asian Para Games record. That’s very good,” sabi ni Ong.

MANGLIWAN PALABAN

SA halip panghinaan ng loob matapos ma-disqualify noong Biyernes ng gabi, mas lalong tumindi ang pagnanasang manalo ni wheelchair racer Jerrold Mang­liwan sa kanyang pagsabak sa finals ng men’s 1,500-meter-T52 race sa Japan National Stadium. Sisikad siya sa lane 4 ng pito kataong awtomatikong finalists sa event sa 8:42 Linggo ng gabi.

Nasayang ang pagpasok sa finals ng 400-meter race ni ­Mangliwan nang tumawid ito sa lane ni Thomas Geierspichler ng Austria sa finish line.

Umano’y nalabag nito ang World Para Athletics Rule 18.a, hinggil sa lane crossing at obstruction, pagkakamaling nagawa rin ni American Isaiah Rigo na na-disqualify rin.

Ipinahayag ni national para-athletic coach Joel Deriada na kung hindi nagkamali si Mangliwan, magtatapos siya na fifth overall na may bagong national record na 1:80 minuto.

“Hindi alam ni Jerrold na na-DQ siya kasi umalis na siya kaagad pagkatapos niyang makita yong time at pumunta sa dining hall,” sabi ni Deriada.

“Tinanong ko kung alam niya na pumasok siya sa lane ng kalaban, ang sagot niya ‘hindi na coach kasi tinodo-todo ko na at nakapikit na ‘ko nang malapit sa finish line.'”

Dahil ang kanang braso ay mas malakas sa kanyang kaliwa, naniniwala si Deriada na posibleng ang front wheel ng wheelchair ng atleta ay pumasok sa lane ng Austrian sa kanyang all-out effort makatawid sa finish line.

At bagama’t nadismaya at nalungkot sa nangyari, nangako si Mangliwan na mas pagbubutihin ang performance sa kanyang ­second race.

156

Related posts

Leave a Comment