Sekyu, ‘singer’, sundalo, doktor NAKIGULO SA COC FILING

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PORMAL nang umarangkada kahapon ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) ng mga sasabak sa 2022 national elections.

Agaw-pansin ang paglahok ng isang security guard, dating sundalo, doktor at radio blocktimer na pawang tatakbong independent.

Tulad ng ibang aspirant, binigyan ng Comelec ng pagkakataong makapagsalita si Phil delos Reyes, isang security guard na nais tumakbong senador. Pangako niyang tuparin ang lahat ng problema ng Pilipinas.

Ang radio announcer naman na si Alexander Lague ay naghain ng COC para sa pagka-bise presidente habang ang dating sundalo na si Leysander Ordenes ay gustong maging presidente.

Pagka-presidente rin ang target ni Jose Montemayor, isang doktor, abogado at ekonomista.

Maaga namang naglaho ang pangarap na maging presidente ng nagpakilalang singer na si Daniel Magtira.

Ito’y makaraan siyang harangin ng mga pulis habang patungo sa Sofitel Hotel para maghain ng kanyang COC. Bilang patunay na siya’y singer, nagbitbit pa ng cassette player si Magtira at ang kanya umanong kikitain sa pagkanta kapag siya ay naging pangulo ay paghahati-hatian ng lahat ng Filipino.

Samantala, nanguna sa paghahain ng COC si Rep. Loren Legarda na planong magbalik-Senado.

Maaga ring dumating ang tandem nina Senador Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza, pambatong pangulo at pangalawang pangulo ng PDP-PROMDI Alliance.

Muli naman sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na sasalain ang bawat kandidato na naghain ng COCs upang matukoy kung sino-sino sa kanila ang maituturing na nuisance candidate.

‘Circus’ naiwasan

Dahil na rin sa umiiral na pandemya sa COVID-19, mahigpit ang seguridad at mga alituntuning inilatag ng Comelec at Philippine National Police (PNP).

Mas maraming pulis at augmentation units ang itinalaga ng PNP kabilang na ang intelligence personnel hindi lamang sa Sofitel hotel sa Pasay City kung saan gagawin ang walong araw na COC filing.

Sa pagtaya ng PNP, generally peaceful ang unang araw ng paghahain ng COC. Ipinagmalaki rin nito na dahil sa kanilang mga paghahanda ay naiwasan ang mala-circus na COC filing gaya ng nakagawian.

Dating atleta, artista sasabak din

Maging ang mga dating nasa larangan ng palakasan ay papasukin na rin ang mundo ng pulitika. Gayundin ang ilang artista at mga mamamahayag.

Sa bayan ng Cainta sa lalawigan ng Rizal, sasabak sa sagupaan para sa posisyon ng alkalde ang retiradong professional basketball player na si Alvin Patrimonio. Ang kanyang sasagupain – asawa ng nakaupong alkalde at isang beteranong politiko.

Sa lungsod naman ng Pasig, reelection ang pakay ni Vico Sotto. Katambal naman niya ang isa pang basketbolista – si Roberto “Dodot” Jaworski, anak ng dating PBA superstar at Senador Robert Jaworski.

Nagpahayag na rin ng hangaring maging bise gobernador ng Oriental Mindoro ang artistang si EJ Falcon, samantalang konsehal naman ang target ni Quezon City Congressman Alfred Vargas na nasa kanyang huling termino bilang kinatawan sa Kamara.

Maging si Claudine Barretto, napabalitang kakandidato. Target niya, maging konsehal ng Olongapo.

Vice Mayor naman ang puntirya ng dating artistang si Congressman Yul Servo.

Sa hanay ng mga mamamahayag, konseho sa unang distrito ng Quezon City ang tuon ng television news reporter na si Doland Castro, habang congressman naman sa QC 2nd district ang pakay ni Ralph Tulfo na anak ng kontrobersyal na broadcaster na si Raffy Tulfo.

Nominado rin sa ACT-CIS party-list ang batikang peryodistang si Erwin Tulfo.

Samantala, pormal nang inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang accreditation ng Advocates and Keepers Organization of OFWs, Inc. (AKOOFW) bilang party-list group, kasabay ng pahintulot sa paglahok nito sa nalalapit na general elections.

Sa inilabas na desisyon ng Comelec 2nd Division na nilagdaan nina Commissioners Socorro Inting at Antonio Kho, Jr., opisyal nang rehistrado ang AKOOFW bilang sectoral party na kumakatawan sa mga overseas Filipino worker at kanilang mga pamilya.

Pinasalamatan naman ni AKOOFW 1st nominee Dr. Chie Umandap ang Comelec kasabay ng pagtitiyak na kanilang isusulong ang adbokasiyang magtataguyod sa kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

Gun ban hanggang Oct. 9

Kaugnay nito, sinuspinde ng Philippine National Police (PNP) ang permit to carry mula hatinggabi ng Setyembre 30 hanggang Oktubre 9.

“This is to ensure that the filing of COCs from October 1 to October 8 will be free from firearms-related incidents and to ensure the safety of the populace,” saad ng isang kalatas na ipinalabas ni PNP director general Guillermo Eleazar.

Maging ang mga pulis, saklaw ng paghihigpit – maliban na lamang sa mga aniya’y naka-duty.

“Only members of the PNP, AFP and other Law Enforcement Agencies who are performing official duties and in-agency prescribed uniforms will be allowed to carry firearms,” anang heneral.

Paglilinaw pa ng heneral, dobleng higpit ang kanilang gagawing pagbabantay kasabay ng kampanya kontra loose firearms, private armies at maging sa pagpigil sa anomang tangkang paghahasik ng terorismo sa bansa.

Pinaigting na rin aniya ng PNP ang kanilang intelligence gathering, monitoring at background check gathering, monitoring at background check sa mga lugar na may mataas na antas ng karahasan sa tuwing sumasapit ang panahon ng eleksyon. (May dagdag na ulat sina JESSE KABEL/LILY REYES/DAVE MEDINA)

111

Related posts

Leave a Comment