SEKYU SUMAKLOLO SA KALUGAR PINATAY

CAVITE – Patay ang isang 25-anyos na security guard nang tagain ng mga suspek gamit ang karit matapos nitong tulungan ang dalawang menor de edad na humingi ng saklolo sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Isinugod sa Tagaytay Medical Center ang biktimang si John Marlo Rollon ng Purok 4, Alfonso, Cavite ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas dahil sa sugat sa ulo.

Arestado naman ang mga suspek na sina Jeffre Brigania, 33, at John Fernan Brigania y Rodriguez, binata, kapwa construction worker at residente ng Brgy. Sta. Catalina, Santa Lucia, Pampanga.

Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Dante Baje ng Alfonso Police Station, dakong alas-12:30 ng hapon noong Huwebes nang mangyari ang insidente sa Purok 4, Alfonso, Cavite.

Bago mangyari ang insidente, kumakain ang mga suspek at ilang kabataang kalalakihan sa isang Pares na kainan.

Nagalit ang mga suspek dahil sa umano’y masamang tingin ng dalawa sa grupo ng mga kabataan kaya sinita ang mga ito hanggang sa nagtakbuhan at nagsumbong sa biktima na kakilala at kabarangay nila.

Nagresponde naman ang biktima sakay ng motorsiklo upang balikan ang naiwan pang kasamahan ng mga kabataan ngunit pagsapit sa isang pababang kalsada ay sinalubong siya ng mga suspek at pinagtulungan hatawin sa ulo gamit ang isang karit dahilan upang mahulog kasama ang motorsiklo at bumagsak ang katawan sa mga kabahayan.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit namatay habang arestado ang mga suspek sa isinagawang follow up operation. (SIGFRED ADSUARA)

152

Related posts

Leave a Comment