IPINAG-UTOS ni Philippine National Police chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa kanyang mga tauhan na maghanda na ng kanilang detention facilities bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na arestuhin ang mga taong lumalabag o hindi tama ang pagsusuot ng face mask.
Ngunit binigyang-diin na ni Eleazar na hindi kailangan abusuhin o pahirapan ang mga madadakip at kailangan na masunod pa rin ang ipina-iiral na physical distancing sa loob ng detention cells na pagkukulungan ng mga maaaresto sa loob ng maximum na dose oras kung hindi sila masasampahan ng kaso.
Ayon kay General Eleazar, “observe maximum tolerance” sa pagdakip sa violators kasabay ng babala sa mga abusadong parak.
“We may be in quarantine due to the pandemic, but rights should not be on lockdown,” nauna nang pahayag ni CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia.
Subalit nilinaw nito “The need for everyone to observe health protocols during the pandemic, including the proper wearing of face masks.”
“One of the concerns that need to be addressed is the availability of our detention cells. Alam naman natin na bago pa ang direktibang ito ng ating Pangulo, may mga pagkakataong kinukulang na talaga ang ating mga pasilidad kung kaya’t dapat natin itong paghandaan,” pahayag ng heneral kahapon.
“Makipagtulungan tayo sa mga lokal na opisyal, kasama ang barangay, para malaman natin kung aling mga lugar sa bawat komunidad ang maaari nating gamiting detention facilities para sa mga sadyang pasaway,” dagdag pa ni Gen. Eleazar.
Inihayag naman ng Department of the Interior and Local Government na pagsasanibin ang kautusan ni Pangulong Duterte sa local ordinances hinggil sa pagsusuot ng face mask at kaukulang penalties para sa mga lalabag.
“Hindi tayo pwedeng magbigay ng penalty. Only the court can give the penalty or in the case of the LGUs, itong mga fine, mga multa nila. So hindi pwedeng pag-exercisin ‘yan. Hindi pwedeng bigyan ng anumang punishment ‘yan,” dagdag naman ng heneral na dating pinuno ng Joint Task Force COVID Shield.
Kaugnay pa nito, nagbabala naman ang DILG sa local chief executives na mahigpit nilang ipatupad ang pagbabawal o limitasyon sa mass gathering sa kanilang mga nasasakupan base sa magkakaibang community quarantine classifications para proteksyunan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko o maharap sa kaparusahan dahil sa dereliction of duty.
“Local government units (LGUs) have a critical role in enforcing mass gathering regulations as they are nearer to their constituencies compared to the national government. What LCEs can do is to adopt and implement guidelines and policies of the Inter-Agency Task Force (IATF) as well as enact necessary local policies to support these regulations,” ani DILG Secretary Eduardo Año.
“Maaaring administrative complaint or criminal case ang isampa laban sa pabayang LCEs. Hindi po gusto ng DILG na dumating sa puntong gawin ito kaya sana ipatupad nang maayos ng LGUs ang polisiya sa mass gatherings ayon sa quarantine classification sa kanilang lugar,” babala ni SILG Año.
“The PNP should assist LGUs in the enforcement of all policies, laws both national and local, relative to the curtailment of the spread of COVID-19,” paliwanag pa ng kalihim. (JESSE KABEL)
