SEN. JOEL VILLANUEVA, WALANG MALASAKIT SA OFW?

EKSAKTONG isang taon na ang nakalipas nang humarap si Presidente ­Rodrigo Roa Duterte sa halos isang libong OFW sa ginanap na Araw ng Pasasalamat sa Camp Aguinaldo. Sa nasabing okasyon ipinangako ng Pangulo ang pagkakaroon ng Department of OFW bago matapos ang Disyembre 2019.

Labis ang kasiyahan ng mga OFW sa binitawang pangako ng pangulo. Kasunod nito ay ang halos sunod-sunod na imbitasyon at patawag ng kongreso na aking dinaluhan para sa committee hearing upang talakayin ang panukalang batas sa pagkakaroon ng Department of OFW.

Sangkaterbang panukalang batas sa pagkakaroon ng DOFW ang naisumite sa kongreso, bagay na ikinatuwa ng labis ng mga OFW dahil naipadama nito ang pagmamalasakit ng kongreso para sa kapakanan ng mga OFW.

Mahabang oras at panahon ang ginugol ng kongreso at umabot pa nga ito hanggang sa plenaryo. At nuong  Marso 2019 ay tuluyan na itong tinapos at pinagbotohan. Umabot sa  173 votes  ang sumangayon o nag-apruba sa panukalang batas at may  11  congressman  ang  tumutol.

Gayunpaman, tuluyan nang naipinanganak ang House Bill 5832 na may titulong Department of Filipino Oveseas  (DFO) Act. Layunin ng panukalang batas na ito na magkaroon lamang ng isang ahensya ng gobyerno na nakatutok para pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng lahat ng mga OFW.

Mabilis na naibato ito sa Senado upang doon naman talakayin at busisiin ang HB 58332. Sakaling ito ay maipasa ng mga Senador ay maari na itong ipasa sa Malacanang upang mapirmahan ni Pangulong Duterte at tuluyan na  itong magiging isang batas.

Ngunit, simula ng maiparating na ang HB5832 sa senado, ay tila tinulugan o inupuan na lamang ito ng Committee on Labor na hinahawakan ni Senator Joel Villanueva. Maraming beses na nananawagan ang iba’t-ibang grupo ng OFW sa mga senador at tanging si Senador Christopher “Bong” Go lamang ang nagpahayag ng kanyang pagnanais na tapusin na ang usapin at maisabatas na ang HB 5382.

Bintang tuloy ng iba’t-ibang samahan ng mga OFW na tila talagang walang pagmamalasakit sa mga OFW si Senador Joel Villanueva.  Kamakailan ay nangako ang opisina ni Sen.Joel Villanueva na kanila ng kinakalendaryo ang pagsisimula ng mga Commitee Hearing sa senado upang talakayin ang DOFW.

Malapit na muling humarap sa kongreso si ­Pangulong Duterte para sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27, 2020, ngunit tila malabo pa sa pinaghugasan ng bigas na marinig sa talumpati ni Pangulong Duterte ang maganda sanang balita na naisakatuparan na ang kanyang pangakong Department of OFW.

Sa aking pananaw, kung naisabatas sana ng maaga ang HB 5382, ay  malamang na magiging mas komprehensibo at direkta ang ­magiging aksyon ng mabubuong ahensya para sa pagharap at ­pagaasikaso ng mga OFW sa kasalukuyang pandemya.

Gayunpaman, ay hindi pa huli ang lahat dahil milyon-milyong OFW pa ang nasa labas ng bansa na naghahanap ng tunay na pagmamalasakit at pangangalaga ng ating ­gobyerno. Marahil ay panahon na para patunayan ni Senador Joel Villanueva at ng iba pang mga senador na ang  pagturing na Bagong Bayani sa mga OFW ay hindi lamang papuring – laway kundi tunay na pagkilala sa naiaambag ng mga OFW sa ating ekonomiya.

 

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
472

Related posts

Leave a Comment