SUMAILALIM na sa briefing ng Senado si Senator-Elect Robin Padilla bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa pagtupad sa bagong tungkulin sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Nagtungo sa Senado si Padilla at sumalang sa briefing ni Senate Deputy Secretary for Legislation Edwin Bellen, nitong Martes ng umaga.
Samantala, muling kinumpirma ni Padilla na ang panukala para sa pagbabago ng saligang batas partikular ang pagsusulong ng Pederalismo ang kanyang prayoridad sa 19th Congress kasabay ng paghimok sa publiko na yakapin ang charter change dahil ito na ang kailangan ng bansa kung nais ng lahat ng pagbabago.
Sinabi ng senator-elect na handang-handa na siya sa pagpasok sa Senado matapos na rin siyang sumalang sa pag-aaral sa Development Academy of the Philippines.
Iginiit pa ni Padilla na handa siya sa pakikipagdebate sa mga kapwa mambabatas subalit ito ay kanyang gagawin sa Tagalog upang maunawaan ng lahat.
Binigyang-diin pa ng incoming senator na hindi naman mga amerikano ang kanyang kaharap kaya’t wala siyang nakikitang dahilan upang makipagdebate nang English.(Dang Samson-Garcia)
211 