SENIOR, 3 PA TIMBOG SA P.5-M SHABU

TIMBOG ang isang babaeng senior citizen at tatlong iba pa sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis noong Miyerkoles ng gabi sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City.

Ayon sa ulat ni Southern Police District Director (SPD) P/BGen. Jimili L. Macaraeg, naging matagumpay ang buy-bust operation sa Quirino Ave. cor. Lim Compound, Manggahan St., Brgy. San Dionisio Parañaque City dakong alas-6:15 noong Miyerkoles ng gabi at nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na drug personalities.

Kinilala ang mga arestado na sina Maria Elena Conche, senior citizen; Myla Rodolfo, junk shop helper; Gina Magyani, at Annalyn Dela Cruz Cerezo, pawang nakatira sa Parañaque City.

“Ang operasyon na ito ay hindi magtatagumpay kung wala ang pagtutulungan ng kapulisan at komunidad, sa inyong aktibong pakikipagtulungan sa amin sa paglaban kontra ilegal na droga, alam kong ito ay aming mapagtatagumpayan, binabati kong muli ang Parañaque City Police sa panibagong matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga,” sabi ni P/BGen. Macaraeg.

Nasamsam sa apat na mga suspek ng mga operatiba ng SDEU ang tinatayang 75 gramo ng shabu na P510,000 ang halaga, dalawang bungkos ng boodle money, at isang Romoss Sense-4 power bank box at 1 pulang Octagon eco bag.

Dinala ang nakumpiskang illegal drug items at kasamang mga ebidensya sa SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa sa mga suspek. (DAVE MEDINA)

148

Related posts

Leave a Comment