MASUSING iniimbestigahan ng ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nangyaring sunod-sunod na pambobomba sa Yellow Bus Line, Inc. (YBLI), Mindanao Star Bus, at Rural Tours sa Mindanao.
Lumitaw sa inisyal na ulat na nakarating kay NBI Director Eric Distor, extortion at pananakot ang motibo ng mga terorista sa anim na bombing attacks sa bus lines sa nagdaang dalawang taon.
Kaugnay nito, nananawagan si Distor sa mga regional director at opisyal ng NBI na makibahagi sa nasabing imbestigasyon.
Nagsimula ang serye ng pambobomba noong Enero 7, 2021 sa YBLI Office sa Koronadal City, South Cotabato. Nasundan pa ng ilang pambobomba sa ibang mga pagkakataon kung saan may mga namatay at nasugatan.
Isinasagawa ang nasabing pagsisiyasat upang matiyak ang pambansang seguridad gayundin upang maiwasan ang posibleng malaking pag-atake hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa buong bansa. (RENE CRISOSTOMO)
