BEST actress si Judy Ann Santos sa 41st Cairo International Film Festival (CIFF, Nobyembre 20-29) sa Egypt para sa pelikulang Mindanao na idinirek ni Brillante Mendoza.
Ginanap ang awards night nitong Nobyembre 29, Biyernes (Sabado ng umaga sa Pilipinas) sa Cairo Opera House.
Nasungkit din ng Mindanao ng Henry Barakat Award for Best Artistic Contribution.
Ang Mindanao ay isa sa walong official entries ng 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) na mag-uumpisa sa December 25.
Si Juday ang ikalawang Pinay na nag-best actress sa CIFF.
Nag-best actress si Nora Aunor noong 1995 sa nasabing filmfest para sa The Flor Contemplacion Story (idinirek ni Joel Lamangan), na nagwagi rin ng Golden Pyramid Award (best picture).
Kapagkuwan ay nag-best actress si Ate Guy sa 1995 Metro Manila Film Festival para sa Muling Umawit Ang Puso (na idinirek din ni Joel Lamangan).
Sinundan ng young superstar na si Juday ang mga yapak ng Superstar na si Ate Guy sa Cairo.
Will history repeat itself sa MMFF?
OSCAR-WINNING US WRITER-DIRECTOR
Ang Cairo jury ay pinangunahan ng Oscar-winning U.S. writer-director na si Stephen Gaghan (nagdirek ng Syriana).
Best actor sa 41st CIFF ang baguhang si Juan Daniel Garcia Trevino para sa Mexican film na I’m No Longer Here.
Ang nasabing pelikula ang nagtamo ng Golden Pyramid Award.
Ang Silver Pyramid award ay ipinagkaloob sa Ghost Tropic (Belgium), at nagtabla sa Bronze Pyramid for best first or second work ang The Fourth Wall (China) at A Certain Kind of Silence (Czech Republic).
Naguib Mahfouz Award for Best Screenplay ang Between Heaven and Earth (Palestine).
Ang CIFF ay isa sa 15 international filmfests na nasa kategoryang “A” ng International Federation of Film Producers Associations (FIAPF, Fédération Internationale des Associations de Producteurs de Films).
GRADED A BY CINEMA EVALUATION BOARD
Isinulat ni Rasha Hosny sa CIFF website kaugnay sa Mindanao, “Brillante Mendoza expresses a complex of human emotions depending on a harsh and painful reality as well as a very special life experience, in a unique cinematic style that combines animation to tell the epic tale of Princess Mindanao who casts a shadow over the civil war that tore the Philippines apart.”
Ang Mindanao ay nakakuha ng gradong A mula sa CEB (Cinema Evaluation Board).
Nag-world premiere ang Mindanao sa 24th Busan International Film Festival (Oktubre 3-12) sa South Korea, kung saan dumalo si Juday kasama ang mister na si Ryan Agoncillo.
Apat na filmfest ang pinuntahan ng Mindanao nitong Nobyembre — Taipei Golden Horse Film Festival (TGHFF) sa Taiwan, Kolkata International Film Festival (KIFF) sa India, Tallinn Black Nights Film Festival (TBNFF) sa Estonia, at Cairo International Film Festival (CIFF).
Ang Mindanao ay isinulat ni Honee Alipio. Tungkol ito sa mga pagsubok ni Saima (Judy Ann Santos) na asawa ng military medic (Allen Dizon). Ang anak nilang batang babaeng (Yuna Tangog) ay may kanser.
Kasama rin sa cast ng Mindanao sina Ketchup Eusebio, Epy Quizon, Ruby Ruiz, Richard Manabat at Vince Rillon.
175