BASTOS NA LALAMOVE RIDER

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SA panahon ngayon ay malaking tulong ang mga delivery at motorcycle taxi app tulad ng Grab, Lalamove, Angkas, Move It at Joyride.

Mabilis at bawas aberya kaya marami ngayon ang umaasa sa mga ganitong delivery at riding app.

Matagal nang parokyano ng Lalamove at Grab ang aking asawa dahil mas mabilis na nakararating ang deliveries sa dapat puntahan. Maliban lamang nitong nakaraang mga buwan na hinahayaan namin na mag-double o triple booking ang mga rider na aming nabu-book, kahit na ito ay naka-priority, upang hindi naman sila lugi sa gasolina.

Isang karanasan ng aking asawa sa Lalamove ang nagpainit ng aking ulo nitong Miyerkoles, Nob. 4, 2026 pasado alas-8 ng umaga.

Nag-book siya ng Lalamove rider upang magpadala ng dokumento sa Quezon City dahil kailangan itong maipasa bago ang lunch break. Nakita umano ng aking asawa na aabutin ng 10 minuto bago makarating ang rider na nasa bandang Makati area pa. Nagpasya umano siyang hintayin na ang rider. Pero makalipas ang 10 minuto ay nandun pa rin sa kaparehong lugar ang rider kaya’t nagdesisyon umano siyang kanselahan ang booking at kumuha ng ibang rider at dumating naman agad ang bagong rider sa loob lamang ng ilang minuto, matapos na matagumpay na makansela ang unang booking.

Makalipas ang mahigit 10 minuto, bandang 8:30 ng umaga ay dumating ang rider ng kinanselang booking. Active pa raw ang unang booking kahit hindi na ito lumalabas na active sa app ng aking asawa. Nasilip din ng aking asawa ang cellphone ng rider kung saan nakalagay nga na cancelled na ito dakong 8:17 pa ng umaga.

Nagkaroon ng pagtatalo ang aking asawa at ang rider kung saan pinipilit ng rider na bayaran pa rin siya dahil dumating na siya sa aming area. Iginiit ng aking asawa na maaari naman niyang bayaran na lang o bigyan ng pera ang nasabing rider dahil magkano lamang ito pero hindi niya matanggap ang asal at kabastusan nito na kumuha pa umano ng video at sinabing pasisikatin niya ang aking maybahay sa social media.

Matapos makaalis ng rider ay tinadtad din niya ng mga bastos na mensahe ang aking asawa kung saan niya sinabing naka-post na umano ang video ng aking asawa at i-like daw niya ito kapag nakita niya.

Ang ganitong uring kabastusan ay hindi natin pwedeng basta-basta palampasin.

Unang-una, nakansela ng Lalamove app ang kanyang serbisyo dahil malayo pa siya sa aming area. Hindi naman makakansela ang booking kung makikita ng app na nasa area na siya o papunta na siya.

Pangalawa, private residence ang kanyang kinuhanan ng video at nanakot na ipo-post sa kanyang social media account. Ito ay malinaw na paglabag sa Data Privacy Act.

Pangatlo, hindi ipagkakait sa kanya ang maliit na halaga. Practice na naming mag-asawa ang magbigay ng tip o dagdagan ang bayad sa mga rider na napupunta sa amin. Alam namin na mahal ang gasolina ngayon kaya’t naiintindihan namin ang pasanin ng mga rider. Ang pagpapakita ng kabastusan ng rider na ito ang naging dahilan upang hindi magbigay ng kahit magkano ang aking asawa. Bakit ka mananakot na ipo-post mo sa Facebook ang mukha ng inyong customer dahil nakansel ang iyong service? Mahigit bente minutos siyang hindi dumarating at ide-demand niyang bayaran siya dahil nandun na siya, kahit na halos kinse minutos na ang nakalipas mula nang kanselahin ang kanyang booking.

Nakipag-ugnayan na tayo sa Lalamove upang i-report ang nangyaring ito at agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan nito.

Hindi namin nais na tanggalin ng Lalamove ang nasabing rider, dahil malaki ang tulong nito sa kanilang kabuhayan. Hangad lang natin na maitama ang maling ginawa upang hindi na ito maulit sa ibang customer.

Dapat ding maging malinaw sa mga rider ng anomang delivery app na hindi basta-basta nakakansela ng customer ang kanilang booking kung nakikita sa app na sila ay nasa malapit nang area.

Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang anomang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng customer at rider. Nirerespeto natin ang ating magigiting na delivery riders at motorcycle taxi drivers, pero dapat ay irespeto niyo rin ang inyong customer. Tandaan, hindi magtatagal ang inyong app kung wala kayong customer.

17

Related posts

Leave a Comment