NAGPAPATUPAD na ngayon si DILG Secretary Eduardo Año ng border controls na naglalayong hindi payagan ang mga residente ng Metro Manila na makalabas o makapunta sa karatig-lalawigan na posibleng maging dahilan para maikalat ang Delta variant.
Sinabi ni MMDA chair Benhur Abalos sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque na may ikinasa nang pag-kontrol ang DILG sa labas ng Kalakhang Maynila.
Subalit pagdating aniya sa Agosto 6, sa pagsisimula ng ECQ sa MM, ipatutupad ang border controls sa loob na ng NCR.
Kaugnay nito, bantay-sarado na sa pamamagitan ng mga inilatag na police checkpoints ang boundaries ng National Capital Region (NCR) plus bilang paghahanda sa pagsasailalim ng ECQ na tatagal hanggang Aug. 20.
Una nang sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, nais nitong matiyak na mga Authorized Persons Outside of Residence lamang ang makalalabas at makapapasok sa borders ng NCR, Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal. (CHRISTIAN DALE)
177 