SIPAG NI OPLE, IKINAGULAT NG MGA OFW

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

BAGO pa man naitalaga si Department of Migrant ­Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople ay napakara­ming pambabatikos na ang ginawa ng ilang pinuno ng iba’t ibang grupo sa kagustuhan nilang siraan ito kay Pangulong Ferdinand ” Bongbong” Marcos, Jr. o PBBM.

Kabilang sa paninira kay Ople ang sinasabing may malubha itong karamdaman at hindi na kayang gampanan ang kanyang katungkulan. Isa pa nga rito ang sinasabi ng pinalitan nitong opisyal na si Secretary Dabs Mamao na nagsasabing ang kailangang mai-appoint na opisyal ng DMW ay dapat ay may kakayahang magbiyahe sa iba’t ibang bansa upang makita nito nang ­personal ang kalagayan ng mga OFW.

Naging hudyat ito para sa ilang grupo na mag-rally sa National Headquarters ni PBBM sa EDSA Mandaluyong kung saan ang ilan sa mga sumali rito ay may dala pang placard na nagsasabi na may cancer na si Sec. Ople at hindi na kayang maglibot sa ibang bansa para alagaan ang mga OFW.

Pero nitong nakaraang linggo ay ginulat ni Sec. Ople ang mga OFW lalo na ang mga kritiko nito, dahil matapos ang state visit ni PBBM sa Singapore at Indonesia na sinamahan ni Sec. Ople, ay tumulak agad ito patungo sa Saudi Arabia upang bisitahin ang mga OFW at makipagpulong sa mga opisyal ng gobyerno ng Saudi Arabia.

Pagdating pa lamang sa Riyadh ay sunod-sunod na pulong ang agad nitong inatupag at matapos nito ay nagbyahe ito patungo sa Al Khobar na halos limang oras na biyahe ang kanyang tinahak.

Dito na nawindang ang mga kritiko at tagasuporta ni Sec. Ople dahil hindi nila inaasahan na magtitiyaga si Sec. Ople na magbyahe ng limang oras para lamang mapuntahan at makausap ang mga OFW sa Al Khobar.

Matapos sa Al Khobar ay tinahak muli nito ang limang oras na byahe patungo sa ­Riyadh para makipagpulong sa mga opisyal ng Filipino community at para sa inisyal na pulong nito sa kinatawan ng Ministry of Human Resources and Social Development. Hindi rito nagtapos ang kasipagan ni Sec. Ople dahil sumakay naman ito ng eroplano patungo naman sa Jeddah, Saudi Arabia para kamustahin ang kalagayan ng mga OFW na nasa ­pangangalaga ng ­Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration Bahay-Kalinga.

Ang ipinakitang kasipagan ni Sec. Ople marating lamang ang bawat OFW, ay tila sampal sa mga naunang panghahamak sa kanya bago pa ito maitalaga ni PBBM. Muli nitong pinatunayan ang kanyang taos na pagmamalasakit sa ating mga OFW na kanyang isinapuso bilang isang OFW Advocate bago pa man ito maitalaga sa kanyang posisyon. Hindi ­kailanman magiging hadlang kay Sec. Ople ang ano mang iniinda nito sa kanyang katawan ­maiparating lamang sa mga OFW ang pagmamahal ng ­ating gobyerno.

Gayunpaman ay ­ating iminumungkahi kay Sec. Ople na magkonting hinay dahil mahaba pa ang kanyang ­tatahakin alang-alang sa ating mga bagong bayani.

507

Related posts

Leave a Comment