SISINGIT SA BAKUNA SA QC, KAKASUHAN

NAGBABALA ang lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon na may mabigat na parusa na naghihintay sa non-frontliners na sisingit sa pila para sa COVID-19 vaccines na isinasagawa ng nasabing siyudad.

Ang babala ay inisyu ni Mayor Joy Belmonte kasunod ng alegasyon na may lumabas sa social media kaugnay sa non-frontliners na nakatanggap COVID-19 vaccines mula sa city health workers.

“We will look into all of these allegations. If proven, we won’t let them get away with this. Gagawin namin ang lahat upang matiyak na sila’y mapatawan ng parusa para matuto,” babala pa ni Belmonte.

Kasabay nito, nanawagan si Belmonte sa city health workers na maghigpit at sundin ang protocols na may kaugnayan sa pagbabakuna ng administrasyon nang naaayon sa order of priority.

“Kapag hindi natin sinunod ang batas, hindi na tayo mabibigyan ng bakuna na kailangan ng ating health workers upang magampanan ang kanilang trabaho nang walang nakaambang panganib,” dagdag ng alkalde.

Ayon kay City Legal Officer Attorney Orlando Casimiro, lahat ng nabakunahan na hindi nararapat at premature administration of vaccines ay papatawan ng pinakamabigat na parusa na naaayon sa batas.

Sasampahan umano ng administrative and criminal charges ang mga lalabag.

Binanggit ni Casimiro, kabilang sa isasampang mga kaso ang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Ang mga ito ay isasampa sa mga sisingit gayundin ang city workers na nagpahintulot nito.

Kung ang nasasangkot ay police officers, ang reklamo ay isasampa sa Department of the Interior and Local Government at People’s Law Enforcement Board.

Ayon pa kay Casimiro, ang show-cause orders ay iisyu ng local government sa empleyado na masasangkot sa insidente.

Sa panig naman ng Quezon City Health Department, nilinaw ni Dr. Esperanza Anita Escaño-Arias, sumusunod sila sa listahan ng Department of Health (DOH) na prayoridad na mauuna sa babakunahan.

“Kahit naka-pre-register ang vaccinees natin sa ating website, they will still undergo an intensive screening from our city officers on-site para masiguro na they are really part of the priority group, specifically in the A1 bracket,” ani Arias.

Ang A1 priority group ay kasama ang medical at non-medical personnel ng correctional facilities, caring facilities, workers sa stand-alone clinics at laboratories, emergency medical teams at uniformed personnel na nakatalaga sa city’s special concern lockdown areas, administrative staff, at maintenance employees. Ang security guards sa nasabing mga pasilidad ay kasama rin sa A1 bracket.

“Hindi ibig sabihin na kapag nakapag-pre-register na sa website ay sigurado nang mababakunahan. If they have failed to provide necessary documents such as company ID, certificate of employment, and PRC ID to prove that they are a frontliner or an essential worker, they will not be accommodated,” paliwanag pa Arias.

Muling inulit ni Arias na ang walk-ins ay nananatiling ipinagbabawal sa vaccination sites. Ang sinumang babagsak sa ilalim ng A1 priority bracket ay kailangang mag-pre-register sa https://app.ezconsult.io/signup at maghihintay ng kanyang schedule. (JOEL O. AMONGO)

246

Related posts

Leave a Comment